top of page

Nakatanggap ng masasakit na salita… Bebot, gusto nang umalis sa bahay ng kapatid

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 22, 2023
  • 3 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 22, 2023


Dear Sister Isabel,


Bakit kaya ganito ang buhay namin? Kahit saan kami tumira hindi kami makapag-ipon-ipon. Madalas kaming kinakapos gayung itong nilipatan namin ng bahay ay hindi na namin kailangan pa magbayad para sa upa. Dati kasi kaming nangungupahan kasama ang aking asawa at apat naming mga anak. 


Overseas Filipino Worker (OFW) ang asawa ko. Kaya nang alukin ako ng kapatid ko sa bahay niya sa Laguna, tutal wala umanong nakatira ru’n dahil nagwo-work din siya sa abroad, du’n na lang umano kami tumira. Natuwa naman ako dahil ‘di na namin kakailanganing mangupahan. ‘Yun pala gayundin, lalo palang magastos kasi need naming mag-asawa magbayad ng service na maghahatid sa mga anak namin sa school. Mahal din ang electric at water bill dito. 


Pero, tumutulong naman kahit papaano itong kapatid ko na siyang mayari ng bahay. Hanggang isang araw, nagulat na lang ako, ang sakit niya magsalita sa akin. ‘Di ko alam kung bakit siya nagalit sa amin. Nasaktan ako sa sinabi niya.


Balak na sana naming bumalik na lang sa dati naming lugar kesa makatikim nang masasakit na salita mula kapatid ko na siyang mayari ng bahay. 


Tama ba ang gagawin ko? Sa totoo lang ganu’n lang naman kapatid ko, pero matulungin, maunawain at lahat ng gusto ng mga anak kong gadgets at iba pang bagay ay binibili niya. Ginagastusan din niya kami ng mga anak ko, at pinagbabakasyon sa abroad na kung saan nandu’n siya. Lahat nang ‘yung libre niya. Sa ngayon ay sila naman ng mother ko ang nagto-tour sa ibang bansa.


Sinagot niya rin ang mother ko. Ano kaya ang mabuti kong gawin? Itutuloy ko ba ang pag-alis dito sa bahay ng kapatid ko dahil lang napagsalitaan niya ako ng masasakit na salita? Uupa na lang ba kami uli ng asawa ko sa dati naming pinanggalingan? Sana ay mapayuhan n’yo ako ng dapat kong gawin. 

 

Umaasa,

Mildred ng Laguna

 

Sa iyo, Mildred,


Huwag kang magpadalus-dalos sa pagpapasya. Ikaw na rin ang may sabi, kahit saan kayo tumira pareho lang. Hindi kayo makaipon gayung nagtatrabaho naman sa abroad ang asawa mo. Nasa diskarte lang ‘yan. Mag-isip ka ng sideline na puwede mong pagkakitaan at para na rin makatulong ka sa asawa mo. Huwag mong iasa lahat sa asawa mo, humanap ka rin ng paraan para tulungan siyang madagdagan ang income n’yo. 


Gamitin mo ang utak mo kahit papaano, para ‘di na rin kayo kapusin sa pang-araw-araw na gastusin. Sa panahon ngayon, dapat dalawa ang nagtatrabaho sa pamilya. Hindi ang ama lang ng tahanan. Huwag ka nang bumalik sa dati n’yong lugar na kung saan iniisip mo na mas makakatipid at hindi ka makakarinig nang masasakit na salita.


Pagpasensyahan mo na lang ang kapatid mo kung may nasabi man siya sa iyong masakit. Tutal sabi mo, malaki na ang naitulong niya sa inyo at binibili lahat ng gustong gadgets ng mga anak mo. Marami lang siguro siyang problema noong araw na iyon kaya nakapagbitiw siya ng masasakit na salita. ‘Wag na kayong umalis ng asawa at anak mo r’yan sa bahay ng kapatid mo. Pagpasensyahan mo na mga sinasabi niya. Malay mo may balak pala siya ipasyal uli kayo ng mga anak mo sa abroad pag-uwi nila ng mother n’yo galing sa ibang bansa. Kung lilipat kayo ng asawa’t anak mo at iwan ang bahay niya baka tuluyan pa siyang magalit sa iyo. Isip-isip din, gamitin mo ang iyong utak. At iyan ang maipapayo ko sa iyo. Hanggang dito na lang, patnubayan ka nawa ng Diyos Ama. 

 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page