Nabuntis ng ex-klasmeyt, problemado dahil ‘di alam ng seaman na asawa
- BULGAR
- May 18, 2022
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | May 18, 2022
Dear Sister Isabel,
Ayaw ko na sanang sumangguni sa inyo tungkol sa problema ko, pero hindi ko na kayang sarilihin ito.
Seaman ang asawa ko at matagal na siyang hindi umuuwi sa amin ng nag-iisa naming anak. Palagi siyang nag-e-extend, kaya sabik na sabik na ako sa kanya at hindi ko na kayang wala siya sa tabi ko. Palagi niyang sinasabi na uuwi na siya, pero hindi naman ‘yun natutuloy.
Ang problema ko ay pumatol ako sa dati kong classmate na hanggang ngayon ay binata. Natukso akong patulan siya hanggang sa nakalimot kami at naibigay ko ang sarili ko sa kanya. Nabuntis niya ako at gustuhin ko mang ipalaglag ang bata, ayaw naman niya. Lumalaki na ang tiyan ko at hindi ko na ito puwedeng itago. Sa lalong madaling panahon ay matutuklasan na rin ito ng asawa ko.
Ano ang dapat kong gawin? Naguguluhan ako at labis na nalulungkot sa nangyari. Sana ay mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo.
Nagpapasalamat,
Dorothy ng Albay
Sa iyo, Dorothy,
‘Yan ang madalas na marinig natin. Ang tao ay marupok, madaling matukso, lalo na sa kagaya mong nasa malayo ang asawa at parang walang balak umuwi. Nand’yan na ‘yan at hindi mo na kayang ilihim. Kausapin mo nang masinsinan ang asawa mo at humingi ka ng tawad sa nagawa mo.
Sa umpisa, asahan mong magagalit siya, pero darating din ang panahon na maiisip niya na siya ang may pagkukulang. Tao ka lang at may pangangailangan sa iyong matagal na pangungulila sa kanya. Natitiyak kong patatawarin ka niya.
Tungkol naman sa nakabuntis sa iyo, umiwas ka na sa kanya at huwag mo nang ituloy ang relasyon n’yo. Alam naman niyang may asawa ka na at natukso ka lang, kaya sinamantala niya ang pagkauhaw mo sa pakikipagniig. Mag-usap kayo nang maayos at hayaan mong sustentuhan niya ang anak n’yo. Ipahiram mo rin sa kanya ang bata kung kinakailangan, pero putulin n’yo na ang ugnayan n’yong seksuwal at pagiging magkasintahan.
Ipagdasal mo sa Diyos na maunawaan ng bawat isa ang mga pangyayari. Maging matatag ka sa iyong pasya. Hinahangaan kita dahil hindi mo ipinalaglag ang bata. Kung nagkataon, isusumpa ka ng tadhana at mamalasin ka nang husto dahil isang napakalaking kasalanan ang maglaglag ng bata sa sinapupunan.
Anak ng Diyos ‘yan. Instrumento lang ang sinapupunan mo upang iluwal ang bata na nakatakda na sa daigdig ang kapalaran. Malay mo, magiging pari o pangulo ng Pilipinas pala ang batang ‘yan o iba pang gampanin sa daigdig na itinakda ng kapalaran.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo



Comments