Naaawa sa bading na anak dahil ginugulpi ng tatay
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | February 23, 2022
Dear Sister Isabel,
Ang problema ko ay tungkol sa asawa ko na hindi matanggap na nagkaanak kami ng bakla.
Binubugbog niya ang anak namin dahil mula pagkabata ay hindi niya ito nakitaan na may pusong babae. Kamakailan lang namin napansin na ang kilos at pananalita niya ay tulad ng isang babae. Siguro ito ay dahil puro bakla ang mga barkada niya at karamihan ay may sariling parlor kung saan siya madalas tumambay, kaya pati siya ay natuto na ring mag-manicure, pedicure, mag-make up atbp.
Mahusay din siyang makisalamuha sa mga tao, kaya kumikita na rin siya dahil sa pag-e-extra niya sa parlor. Marami siyang kliyente dahil mahusay siyang magtrabaho at masasabing may angkin siyang talento sa pagiging beautician.
Ang problema, awang-awa na ako sa kanya dahil walang araw na hindi siya nakakatikim ng pananakit sa ama niya. Ang ikinakatakot ko ay baka lumayas ang anak namin at hindi namin siya makapiling. Ano ang dapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Beatriz ng Zambales
Sa iyo, Beatriz,
Sa panahon ngayon, uso na ang paglaladlad ng saya ng mga lalaki na may pusong babae. Sa palagay ko ay hindi naman nahawa ang anak mo sa mga barkada niyang bakla. Sa halip, likas sa kanya ang pusong babae na ngayon lamang niya nailantad sa inyo. Ang pinakamabuti mong magagawa ay kausapin ang asawa mo na hindi tama ang ginagawa niyang pambubugbog sa anak n’yo dahil hindi ‘yun ang solusyon para magbago ang pagiging bakla niya. Tanggapin niya nang maluwag sa kalooban ang pagiging pusong babae ng anak n’yo, tutal ay hindi siya perhuwisyo sa buhay n’yo, bagkus ay malaking tulong pa at posibleng magbigay pa ng karangalan sa inyo sa pamamagitan ng likas niyang talento.
Ang mga bakla ay gifted, kumbaga, may talent sila na wala sa iba. Mapapansin mo na maraming kaalaman ang anak mo na kapaki-pakinabang at makakatulong sa inyong kabuhayan. Ipaunawa mo sa asawa mo ang mga ‘yan.
Ipaliwanag mo na dapat niyang tanggapin na nagkaanak kayo ng bakla, pero mabait, matalino, masipag, pakikinabangan sa paghahanapbuhay, masayahin at ikararangal ng pamilya sa taglay niyang talento at husay sa pakikisalamuha sa tao.
Lakip nito ang dalangin ko na magliwanag nawa ang isipan ng asawa mo at tuluyang tanggapin ang inyong anak.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments