by Info @Editorial | September 15, 2024
Hinikayat ang Department of Agriculture (DA) at iba pang kaukulang ahensya na paramihin ang mga lugar kung saan mayroong Kadiwa store na nagbebenta ng bigas sa mas mababang presyo.
Kasabay ito ng paglulunsad ng Bagong Bayaning Magsasaka Rice program — isang kolaborasyon ng National Irrigation Authority (NIA) at mga miyembro ng irrigation association, na naglalayong makapagbenta ng murang bigas sa mga bulnerableng sektor. Ito na sana ang tugon sa panawagan na paramihin ang mga lugar kung saan makakabili ng bigas sa halagang P29 kada kilo upang mas maraming mamimili ang makinabang.
Isa sa mga pinakamalaking suliranin na hinaharap ng maraming pamilya ay ang patuloy na pagmahal ng bigas.
Ang bigas ay masasabing simbolo ng seguridad sa pagkain. Kaya ang pagtutok sa pagbebenta ng murang bigas ay hindi lamang isang hakbang patungo sa kapakinabangan ng bawat pamilya kundi, isang estratehiya para sa mas malawak na pag-unlad ng bansa.
Sa harap ng tumataas na presyo ng bigas, maraming pamilya ang nahihirapang maitaguyod ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang mga pamilya na may mababang kita ay partikular na naapektuhan, sapagkat ang malaking bahagi ng kanilang badyet ay napupunta sa pagbili ng pagkain.
Kapag mataas ang presyo ng bigas, ang iba pang mahahalagang pangangailangan tulad ng edukasyon, kalusugan, at iba pang basic services ay apektado rin. Sa kabilang banda, ang mga magsasaka ay nagsasakripisyo rin sa isang mahirap na sitwasyon. Ang mataas na gastos sa produksyon, kawalan ng sapat na suporta mula sa gobyerno, at hindi patas na pagpresyo ay nagiging sanhi ng pagbagsak ng kanilang kabuhayan.
Tungkulin ng gobyerno na mapanatili ang makatarungan at abot-kayang presyo ng bigas at iba pang produkto. Dapat itong magsagawa ng mga hakbang upang i-regulate ang presyo sa pamamagitan ng mga epektibong polisiya at regulasyon.
Ang pagkakaroon ng mga programa tulad ng rice subsidy at rice buffer stock ay makakatulong upang maiwasan ang sobrang taas ng presyo tuwing may kakulangan sa supply.
Dapat ding maipamahagi nang maayos ang subsidiya upang matiyak na ito ay umaabot sa mga tunay na nangangailangan. Ang transparency sa pamamahagi ng tulong ay mahalaga upang maiwasan ang anumang uri ng katiwalian.
Samantala, ang pribadong sektor naman ay may malaking bahagi rin sa usaping ito. Ang mga retailer at distributor ay dapat magpatupad ng makatarungang presyo.
Ang sama-samang pagkilos ng mamamayan ay makapagbibigay din ng pressure sa mga negosyo at gobyerno na magsagawa ng mga hakbang para sa kapakinabangan ng nakararami.
Naniniwala rin tayo na isa sa masasabing pangmatagalang solusyon ay ang masusing pagsusuri at pangako mula sa lahat ng sektor ng lipunan. Ang integrasyon ng sustainable agricultural practices, pag-promote ng local farming, at ang pagbuo ng mga epektibong polisiya ay mga hakbang na dapat pagtuunan ng pansin.
Ang pagbebenta ng murang bigas ay ‘di lamang isang simpleng isyu ng presyo kundi isang aspeto ng dignidad, kalusugan, at kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino.
Comments