Mga posibleng aberya sa halalan, paghandaan na
- BULGAR
- 1 day ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 9, 2025

Umaasa ang taumbayan sa isang malinis, tapat, at maayos na proseso ng pagboto. Gayunman, kasaysayan na mismo ang nagsasabing hindi nawawala ang mga aberya tuwing araw ng halalan — mula sa mga sirang vote counting machines (VCMs), kakulangan ng mga tauhan ng Commission on Elections, teknikal na problema, hanggang sa mga isyung may kaugnayan sa seguridad.
‘Ika nga, hindi puwedeng iasa sa swerte ang kaayusan ng eleksyon. Kailangan ito ng paghahanda at agarang pagtugon sa mga kahina-hinalang senyales ng kapalpakan.
Sa panig ng Comelec, kailangang tiyakin na maagang nasusuri ang mga gamit — lalo na ang mga makina at transmission equipment. Dapat ding malinaw ang mga contingency plan sakaling magkaroon ng teknikal na problema sa araw ng eleksyon.
Kasabay nito, kailangang mapalakas ang kampanya para sa mapayapang halalan. Dapat tiyakin ang seguridad sa mga presinto, at mahigpit na ipatupad ang mga batas laban sa pananakot, pamimili ng boto, at iba pang anyo ng pandaraya.
Mahalaga rin ang papel ng mamamayan. Hindi sapat ang bumoto lamang — kailangan ding maging mapagmatyag at handang iulat ang anumang iregularidad.
Sa panahon ng teknolohiya, napakadali nang gamitin ang social media para ilantad ang mga kahina-hinalang pangyayari, ngunit dapat pa ring tiyakin na tama at beripikado ang mga impormasyong ipinopost. Mas mainam kung sa mga otoridad magsusumbong para maaksyunan.
Ang halalan ay hindi lamang isang araw na kaganapan. Ito’y bunga ng mahabang proseso ng paghahanda.
Ngayon pa lamang, kailangang paghandaan na ang lahat ng posibleng aberya. Dahil sa huli, ang tiwala ng bayan sa halalan ay tiwala rin sa demokrasya ng bansa.