More kayod para sa bilyun-bilyong budget kontra-COVID-19
@Editorial | May 09, 2021
Sa pagharap sa mga mambabatas ng itinuturing na tatlong ‘pandemic czars’ ng gobyerno na sina vaccine czar Carlito Galvez, Jr., testing czar Vince Dizon at contact tracing czar Benjamin Magalong, binanggit nila ang pangangailangan ng P90 bilyon para ipambili ng mga bakuna sa susunod na taon.
Isasama umano ito sa regular budget ng Department of Health (DOH), ngunit partikular itong ilalaan na pambili ng mga bakuna para hindi magamit sa iba at agad na mailalabas kung kakailanganin.
May hirit din na P20 bilyon sa Bayanihan 3, bagama’t pinayuhan ang tatlong czars na subukan munang humugot sa mga hindi nagagamit na pondo ng ilang ahensiya, na pinapayagan naman sa Saligang Batas at Bayanihan Laws. Magandang suhestiyon ito para mas mapakinabangan ang pera kaysa nakatengga.
Ang pakiusap lang sa mga namamahala sa mga usapin kontra-COVID-19, lalo na sa pondong ginagamit, masulit sana ito at hindi masayang. Hindi biro ang gastos sa panahon ng pandemya, batid nating lumalaki na ang utang ng bansa.
Bukod sa matalinong paggasta, mabantayan din sana ang budget mula sa mga kurakot. Tablan sana ng konsensiya ang mga makakapal ang mukha. ‘Yung pera para sa buhay at kinabukasan ng buong bayan ay plis lang, huwag nang pag-interesan.



Comments