- BULGAR
More kayod para mabilis ang pag-angat ng ekonomiya
@Editorial | July 9, 2022
Batay sa May 2022 labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas sa 6 porsyento ang unemployment rate o mga walang trabaho sa ‘Pinas.
Ang 6% ay katumbas ng 2.93 milyon na mas mataas sa 5.7% noong Abril kung saan 2.76 milyon na mga kababayan natin ang walang trabaho.
Kaugnay nito, dapat na maging mas agresibo ang pamahalaan sa paglikha ng trabaho para tugunan ang pagtaas ng bilang ng mga sinasabing tambay.
Sa patuloy na pagbilis ng taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo, kailangan itong masabayan ng mamamayan. Pero, paano ito mangyayari kung walang regular na kayod?
Ito ang magandang pagkakataon para mapatunayan ng bawat opisyal ng pamahalaan na sila’y karapat-dapat sa tiwala ng taumbayan. Kailangan nang gamitan ng matinding talino at husay kung paano maibabangon ang ekonomiya.
Batid natin na mataas ang target ng administrasyong ito pagdating sa ating kabuhayan, nakakasabik at nakakataas ng moral, kaya sana’y matupad.
Nakakatulong programang cash-for-work subalit alam naman nating hindi ito pangmatagalan at hindi matutugunan ang iba pang usapin o problema sa kabuhayan.