Mistress nagbabanta… Mister na playboy, problemado dahil no. 2 nabuntis
- BULGAR
- Oct 11, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 09, 2023
Dear Sister Isabel,
Natural na sa akin ang pagiging playboy. Hindi ako nakukuntento sa isa, ang bilang ng mga babaeng gusto ko ay dalawa o tatlo.
Nagagawa ko ito kahit na pamilyadong tao na ‘ko. Kaya lang, hindi ko na kayang itago sa asawa ko ang katotohanan na bukod sa kanya ay may isa pa akong asawa na kasalukuyang buntis na.
Kasal kami ng una kong misis, at mayroon kaming dalawa anak. Nagbabanta ‘yung ikalawa kong asawa na guguluhin umano niya ang pamilya ko kapag patuloy ko pa ring tinago ang aming relasyon.
Gusto niyang ipaalam ko na ito sa asawa ko nang sa gayun may karapatan na siyang du’n muna ko pansamantala sa piling niya lalo na ‘pag malapit na siyang manganak.
Ang gusto niyang mangyari ay 3 araw ako sa kanya at ‘yung natitirang araw ay sa tunay kong asawa. Mahirap gawin ‘yun at malamang hindi pumayag ang tunay kong asawa.
Ano’ng gagawin ko? Sana ay matulungan n’yo ko kung ano’ng tamang diskarte sa problema ko. Hihintayin ko ang sagot n’yo.
Nagpapasalamat,
Roberto ng Tarlac
Sa iyo, Roberto,
Tunay ngang mahirap ang napasukan mong sitwasyon. Pero, natitiyak kong maitatama mo ang lahat. Walang lihim na hindi nabubunyag, kausapin mo ng masinsinan ang tunay mong asawa.
Gawin mo ito kapag nakita mong nasa mood siya at mukhang payapa. Naniniwala akong uunawain ka ng asawa mo. Gawin mo ito sa mahinahong pananalita na may halong pagpapakumbaba. Nar’yan na ‘yan. Hindi mo na matatakasan ‘yan, mangako ka sa asawa mo na ‘di magbabago ang pagmamahal mo sa kanila ng mga anak mo.
Mangako ka rin na hindi mo sila pababayaan pagdating sa financial, at patuloy ka pa ring magbibigay ng panggastos sa lahat ng pangangailangan nila sa buhay. Tuparin mo ang iyong pangako at manatiling mahinahon sa lahat ng sandali. Sa aking palagay ay tatanggapin ng asawa mo ang paliwanag mo tungkol sa gustong mangyari ng pangalawang asawa mo. Lahat ng problema ay may solusyon basta’t idadaan sa mahinahong pamamaraan. Lakip nito ang dalangin ko na maging maayos ang lahat sa susunod na mga araw, patnubayan ka nawa ng Maykapal.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo








Comments