Misis na may strong number at mister na weak...
- BULGAR

- Jan 13, 2021
- 3 min read
Compatible kaya sure na pang-forever ang pagsasama kahit babaero si guy
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 13, 2021
Dear Maestro,
Nambabae ang asawa ko, pero umuuwi pa rin siya sa bahay namin. Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil ang gusto kong mangyari ay kalimutan niya na ang kanyang babae, para masolo na namin siya ng aming mga anak.
May tsansa ba na magbago ang aking asawa sa pambababae niya? Dati niya na kasi siyang umuuwi at bumabalik sa babae niya, pero hindi na lang ako kumikibo at nagpapakamartir ako. Pero ngayon, gusto kong lumaban, madalas kasi na kulang na sa aming pamilya ang iniintrega niyang pera dahil siguro ay ibinibigay niya sa kanyang babae. ‘Yun ang ayaw kong mangyari, na inuuna niya pa ang babae niya kaysa sa tunay niyang pamilya.
October 10, 1979 ang birthday ko at October 7, 1973 naman ang birthday ng mister ko.
Umaasa,
Mrs. Libra ng Amoroso St., Makati City
Dear Mrs. Libra,
Nagkataong pareho pala kayo ng mister mo na isinilang sa zodiac sign na Libra at kapwa nagtataglay ng elementong air o hangin. Ibig sabihin, kahit na parang may kaunting kulang sa inyong relasyon, tunay ngang tugma naman kayo sa isa’t isa.
Sapagkat alam naman nating lahat na ang magkakaparehong zodiac sign at planeta ay pasok sa unang batas ng compatibility na tinatawag nating, “birds of the same feather flocks together”.
Dahil magkapareho kayo ng ugali at hindi gaanong nagkakaiba o nagkakalayo ang mga gusto at mithiin n’yo sa buhay, tunay ngang compatible kayong mag-asawa. Kaya malaki ang posibilidad na darating ang araw na magsasawa rin si mister sa ginagawa niyang pambababae at kapag nagsawa na siya, babalik din siya sa tunay niyang pamilya.
Dagdag pa rito, ganundin ang kinauwiang pag-aanalisa sa Numerology kung saan ang birth date mong 1 o 10 (ang 10 ay 1+0=1), na isang strong number ay tunay na compatible rin sa birth date na 7 ng mister mo na isang weak o mahinang numero.
Kung saan, tandaang ang pagsasama ng strong at weak number ay sadyang complementary compatible sa isa’t isa, ibig sabihin, hindi sila magkakahiwalay at palagi silang magiging magkasama.
Ibig sabihin, palalakasin mo ang loob ni mister sa panahong siya ay nanghihina, kinukubabawan ng takot o kinakabahan, habang sobrang lakas naman ng loob mo sa panahong sumusobra ang iyong tapang at tiwala sa sarili at medyo nagiging hambog ka na at mayabang ay lilimitahan naman ni mister upang ‘wag kang sugod nang sugod kahit wala na sa wala lugar at hindi tiyak o sigurado ang kahihinatnan ng iyong nilalayon. Sa ganyang balanseng samahan, kumbaga, magkaagapay kayong dalawa, tunay ngang mas marami pang pag-unlad, paglago at maligayang pamumuhay ang inyong pagsasaluhan habang kayo ay patuloy na nagkakasundo, nagsasama at nagmamahalan.
Samantala, dahil higit na strong number ang numero mong 1, lumalabas na maaaring sa sandaling binigyang-babala mo si mister na lalayasan mo siya at isasama mo ang mga anak mo sa inyong pag-alis kapag hindi pa siya nagtigil sa pambababae, bigla siyang magpapakatino at magbabago dahil ang totoo nito, mahal na mahal ka pala niya at natatakot din siyang mawala ang kanyang iniingat-ingatang pamilya.
Kaya anuman ang mangyari, ayon sa inyong Love Calendar at sa pag-aanalisang binanggit na sa itaas, tulad ng naipaliwanag na, kahit may babae pa si mister, hindi pa rin masisira o tuluyang guguho ang inyong pamilya dahil siguradong sa inyo pa ring tahanan uuwi ang iyong mister at nakatakda na ngang mangyayari. Ngayong 2021, mawawala ang babae niya at kahit may dumating pa muling iba, hindi na mapapasubalian ang nakatakda dahil habambuhay kayong magsasama at mananatiling buo ang isang masaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments