Mga tsuper, negatibo sa drug testing — PITX
- BULGAR

- Apr 10, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | April 10, 2022

Nilinaw ng pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong Linggo na ang mga tsuper na gumagamit ng bus terminal ay nagnegatibo sa test sa ipinatupad na drug testing noong nakaraang linggo.
Ginawa ni PITX Spokesperson Jason Salvador ang paglilinaw matapos ang mga lumabas na reports na may apat na drivers ang positibo sa test sa ginawa nilang random drug testing.
Gayunman, ayon kay Salvador, ang mga naturang tsuper ay naka-deployed sa ibang terminal at hindi sa PITX.
Nitong Sabado, sinabi naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mayroong 61 public utility vehicle (PUV) drivers, conductors, at dispatchers ang naiulat na positibo sa test sa ilegal na droga bago pa ang Semana Santa.
Ayon sa PDEA, tinatayang nasa 4,210 indibidwal ang sumailalim sa screening sa ginanap na nationwide implementation ng Oplan Harabas ng ahensiya nitong Biyernes kaugnay sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa Mahal na Araw.
Samantala, ngayong Palm Sunday o Palaspas, kakaunti ang mga pasaherong makikita sa PITX kumpara noong mga nakalipas na araw.
Sinabi ng pamunuan ng PITX na inaasahan naman nila na ang volume ng mga pasahero ay tataas mula Holy Tuesday hanggang Good Friday dahil sa pag-uwi ng mga tao sa kani-kanilang mga probinsiya nitong Semana Santa.
Ipinahayag ni Salvador sa isang interview na ang bilang ng mga pasahero sa PITX ay umabot sa mahigit 100,000 nitong Biyernes.








Comments