by Info @Editorial | September 1, 2024
Ang mga guro ay itinuturing na haligi ng edukasyon, nagsisilbing gabay at inspirasyon ng mga kabataan tungo sa kanilang pangarap.
Ngunit, napag-alaman na karamihan sa kanila ay nagtuturo ng mga subject na hindi naman nila expertise, o hindi nila major.
Ang dahilan umano nito ay ang pag-a-assign ng Department of Education (DepEd) ng mga subject na nakadepende sa availability, imbes na sa specialization dahil sa limitadong budget para sa hiring.
Ayon sa isang opisyal, ang ginagawang ito ng DepEd ay maaaring makaambag ng problema sa sektor ng edukasyon.
Hindi natin maikakaila na ang pagtuturo ng asignaturang labas sa sariling larangan ay maaaring makaapekto sa kalidad ng edukasyon.
Ang isang guro na hindi pamilyar sa isang partikular na paksa ay maaaring magturo ng hindi sapat o hindi tama, na nagiging dahilan upang hindi makuha ng mga mag-aaral ang tamang impormasyon at kasanayan na nararapat nilang matutunan.
Ito rin ay nagdudulot ng karagdagang stress sa mga guro na nararapat sanang nakatuon sa kanilang mga major subject.
Panawagan sa kinauukulan, kumilos at tugunan ang kakulangan ng mga guro upang hindi naaapektuhan ang kanilang trabaho dahil sa pagpasa sa kanila ng mga subject na hindi nila expertise o major.
Sa ganitong paraan, masisiguro nating ang ating mga kabataan ay makakatanggap ng de-kalidad na edukasyon mula sa mga guro na lubos na may kakayahan at kahandaan sa bawat asignaturang kanilang itinuturo.
Comments