top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Mga submarine, tulong na depensa sa ating bansa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 14, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Feb. 14, 2025



Boses by Ryan Sison

Kasabay ng pagpapatupad ng modernisasyon sa ating kasundaluhan, dapat na paglaanan ito ng malaking pondo ng ating gobyerno.  


Nais kasi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magkaroon ng dalawang submarines na diesel-electric type para sa West Philippine Sea (WPS) upang magamit na depensa na bahagi ng kanilang modernization program.


Ayon kay AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., kinokonsindera nila ang palalagay ng submarines sa loob ng archipelago at WPS. Ang ganitong assets ay naglalayong protektahan ang nararapat talagang teritoryo natin.  


Sinabi niyang inaasahan nila na maisasakatuparan ito, kung magkaroon ng sapat na pondo ang Horizon 3 modernization program. 


Binigyang-diin naman niya na dahil sa kakulangan ng budget mula sa gobyerno ay naghahanap at nakikipag-usap na sila sa iba’t ibang ahensya ukol dito.


Bagama’t sinabi ng Bankers Association of the Philippines na kaya nilang pondohan ito, nananatili pa ring bukas AFP sa mga matatanggap nilang tulong, kabilang na rito ang foreign financing na mag-aalok sa kanila. 


Matatandaang ang AFP Modernization Program ay nahahati sa tatlo, ang Horizon 1, Horizon 2, at Horizon 3. Ngunit, ang Horizon 3 ay sumailalim sa reporma para maisaayos. 


Binanggit din ni Brawner, ang madalas na pagdaong ng mga barko ng China sa loob ng Philippines’ Exclusive Economic Zone na kung minsan ay binobomba ng tubig ang mga mangingisda at mismong ang mga barko natin. 


Panahon na rin marahil para paglaanan natin ng pondo ang mga kagamitan o anumang pangangailangan ng ating kasundaluhan at maging ang militar, upang mapalakas ang kakayahan nilang maipagtanggol ang teritoryo ng ‘Pinas.


Hindi naman kasi kailangan na umasa na lamang tayo lagi sa suporta ng mga kaalyado nating bansa, lalo’t batid natin na mayroong banta rin ng pananakop sa atin, dapat ay manindigan din tayo para sa ating bayan. 


Bukod dito, mas mainam na bigyan natin ito nang lubos na atensyon, mag-acquire o bumili tayo ng mga kagamitan na magsisilbing pananggalang laban sa mga mang-aabusong bansa dahil hindi natin alam ang puwedeng mangyari sa hinaharap. 


Hiling lang natin sa gobyerno, huwag na sanang patagalin pa ang pagdedesisyon hinggil dito dahil ang proyektong ito ay makatutulong upang idepensa ang ating bansa.

Isipin na lamang na mas makabubuti ito para protektahan ang sambayanan at ang ating bayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page