top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga sana sa SONA ni P-BBM

BULGAR
Jul 25, 2022
1 min read

@Editorial | July 25, 2022


Ngayong araw ang itinakdang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang ika-17 presidente ng Pilipinas.


Lahat ay nakaabang sa magiging laman ng talumpati na siya mismo ang sumulat. Milyun-milyon ang makikinig sa kanyang mga plano sa anim na taon niyang panunungkulan bilang ama ng bayan.


Kasunod nito ay ang mga “sana” ng taumbayan.


Sana ay marinig ang konkretong plano laban sa COVID-19.


Sana, may mailatag na mga programa kung paano maibabangon ang kabuhayan, paano makapagbubukas ng maraming trabaho.


Sana may diskarte kung paano haharapin ang mga taas-presyo sa bilihin at serbisyo at kung paano mapipigilan ang gutom.


Sana ay may mga bagong paraan kung paano mapupuksa ang salot na ilegal na droga at pamamayagpag ng iba’t ibang krimen sa bansa.


Sana, may solusyon na para mawala sa gobyerno ang mga korup na dagdag-pahirap sa bayan.


Kapansin-pansing ang mga “sanang” ito ay minsan na ring naging “sana” sa mga nagdaang administrasyon. Nangangahulugan na tuloy pa rin ang laban sa pandemya, kahirapan, korupsiyon at krimen.


At tulad ng lagi nating sinasabi, hindi ito kakayanin mag-isa ng pangulo, gaano man siya kagaling ganundin ang kanyang mga gabinete. Ito ay laban ng lahat, ng bawat isa.


Maaaring sawa na tayo sa sinasabing “pagkakaisa” pero ito ang katotohanan, ito ang mas matibay nating pananggalan sa anumang krisis. Kung tayo’y nagkakaisa sa layuning maging maayos at maunlad ang Pilipinas, mas madali na para maging handa at simulan ang unang hakbang patungo sa iisang direksyon, ang pagpapabuti sa ating pamumuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page