Mga puslit na produkto ‘wag tangkilikin, peligroso
- BULGAR

- Jul 22, 2025
- 1 min read
by Info @Editorial | July 22, 2025

Sa kabila ng mga batas at kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling, patuloy pa rin ang pagkalat ng samu’t saring produktong ilegal na ipinapasok sa bansa.
Mula sa mga pekeng branded na damit, gadgets, ilegal na gamot, hanggang sa mga produktong agricultural — tila naging karaniwan na lamang ang presensya ng mga ito sa merkado.Hindi maikakaila ang pinsalang dulot ng smuggled goods.
Una, nalulugi ang mga lehitimong negosyante na nagbabayad ng tamang buwis.
Paano sila makakakumpetensiya kung ang katabi nilang tindahan ay nagbebenta ng mas murang produkto na hindi dumaan sa tamang buwis at inspeksyon?
Pangalawa, may banta rin ito sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan. Ang mga produktong walang sapat na inspeksyon o rehistro — lalo na sa pagkain, gamot, at electronics — ay maaaring mapanganib gamitin.Panghuli, ang talamak na pagpupuslit ay nagpapakita ng kahinaan sa pagpapatupad ng batas at posibleng korupsiyon sa mga ahensya ng gobyerno.
Hindi sapat ang paalala at kampanya. Kailangan ng mas mahigpit na pagbabantay at parusang nararapat sa mga mapatutunayang sangkot sa smuggling.
Mahalaga ring maipaunawa sa mamimili na ang pagbili ng smuggled product ay pagtangkilik sa ilegal na gawain.
Kung nais nating magkaroon ng mas maayos na ekonomiya, ligtas na produkto, at patas na kalakalan, panahon na upang tigilan ang pagtangkilik sa smuggled goods.





Comments