Mga puslit na pagkain mula China, ipamigay sa mga evacuation center
- BULGAR

- Dec 15, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Dec. 15, 2024

Mas mabuting ipamigay na lamang ang mga nasabat na pagkain mula sa China kaysa masayang at hindi mapakinabangan.
Ito ang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipamahagi na ang nakumpiskang 21 container ng frozen mackerel na nagkakahalaga ng P178.5 milyon sa mga evacuation center, ospital, care facilities, at mga prison facility na pinangangasiwaan ng Bureau of Corrections (BuCor) .
Ginawa ng Pangulo ang direktiba matapos ang kanyang pag-inspeksyon sa tinatayang 580,000 kilo ng smuggled frozen mackerel sa Maynila.
Aniya, dapat na itong i-distribute sa mga mamamayan lalo’t na-inspect na rin naman at ito ay safe for human consumption o puwedeng kainin para hindi masayang at magamit ng ating mga kababayan.
Ayon kay PBBM, ang nakumpiskang puslit na frozen mackerel ay ang pinakauna sa maraming operasyon, at magiging kaso sa ilalim ng Anti-Agricultural Sabotage Act na bagong batas, upang patibayin ang sanction sa mga sumusubok na pumasok, na hindi nagbabayad ng duty o iyong tinatawag na smuggling.
Iginiit din niya na ang mga produktong agrikultura ay ini-smuggle at sinisira nila ang merkado rito sa Pilipinas, pinagkikitaan ang mga ito, at walang bumabalik sa gobyerno.
Habang ang mga dapat na ibayad sa gobyerno ay ibinubulsa lamang nila.
May punto ang pamahalaan na i-donate na lamang ang mga naturang pagkain sa mga nasa mahihirap na lugar o barangay, sa mga city jail, mga pampublikong ospital at iba’t ibang care facilities.
Tutal nakumpirma na ligtas kainin ang mga frozen mackerel ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pamamagitan ng pagsasagawa nila ng mga laboratory tests, kaya tama lamang na ipamahagi na agad ang mga ito sa mga nangangailangan para mapakinabangan at hindi masayang.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay patuloy na mag-isip ng mga programa na makakatulong upang mabawasan naman ang nararanasang gutom ng marami sa ating mga kababayan.
Alalahanin sana natin na wala silang ibang inaasahan kundi ang suporta at pagmamalasakit na manggagaling din sa pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments