- BULGAR
Mga proyektong magpapagaan sa buhay ng Pinoy, tuloy
@Editorial | July 19, 2022
Ilang araw matapos sabihin ng Department of Transportation (DOTr) na maraming proyekto na nanggaling sa China ang nananatiling walang pondo, nagpahayag ang Chinese Embassy sa Manila na handa pa rin silang tulungan ang ‘Pinas sa iba’t ibang imprastraktura.
Ipinagmalaki pa ng China na kilala ang kanilang bansa sa komprehensibong lakas, bilis at kalidad kung ang pag-uusapan ay pagtulong ng mga proyekto sa iba’t ibang bansa.
Matatandaang ibinunyag na hindi pa napopondohan ang ilang proyekto ng China tulad ng Laguna-Bicol-Subic-Clark at Mindanao Railway projects.
Kasunod nito, agad namang inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang ahensya na i-renegotiate ang nasabing mga proyekto sa China para ito ay matuloy na.
Walang masama sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa kung para naman ito sa patuloy na kapayapaan at pag-unlad.
Napakalaking tulong ng mga proyektong ito dahil ito ang nagpapagaan sa pamumuhay ng mamamayan. Tulad ng mga railways at iba pang kalsada na hindi lang mass transportation ang binibigyang-daan kundi maging mas maayos at mabilis na paghahatid o pagtawid ng negosyo sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Siyempre, bago pa ito, mas maraming trabaho rin ang magbubukas na magsisimula sa konstruksyon hanggang sa mismong pagkakatayo ng mga proyektong ito.
Kaya umaasa tayo na magiging maayos ang daloy ng pakikipag-ugnayan ng administrasyon hindi lang sa China kundi maging sa ibang bansa.
Mapalad tayo na negosyo ang pumapasok sa atin at hindi giyera, kaya huwag nating palampasin ang mga pagkakataong ito. Gayundin, hindi naman tayo mapapahiya kung talino, lakas at katapatan ng mga manggagawa ang ihaharap sa mga negosyanteng gustong mamuhunan. Subok na ang mga Pinoy, ‘ika nga, rito man sa bansa o kahit idayo pa kung saan.
Taglay na natin ang mga katangian ng mahusay na manggagawa sadyang kinakapos lang tayo sa oportunidad. At sa sipag at talino rin ng ating mga kinatawan sa gobyerno, tiyak na mas lalawak ang ating kakayahan at marami nang pinto at bintanang magbubukas na siya namang magiging daan para sa ating tuluyang pagbangon mula sa pandemyang ito.