Mga Pinoy, relax lang sa pagboto
@Editorial | May 9, 2022
Dumating na ang araw para sa simula ng panibagong anim na taong pamamahala. Matapos ang mga tunggalian, sa wakas, pipili na ang taumbayan.
Ang makulay at maingay na kampanya, nawa’y matapos sa mapayapa at maayos na halalan.
Pakiusap natin sa lahat ng botante, kandidato at partido, maging mahinahon sa araw na ‘to hanggang sa matapos ang eleksyon. Tama na ang word war, idaan na lamang ang laban sa balota.
Iwasan natin ang gulo na maaaring maging dahilan para matigil ang botohan, huwag nating sayangin ang lahat ng sakripisyo.
Hindi maitatanggi na sadyang matindi ang tunggalian ngayong halalan lalo na sa pagka-pangulo. Ang hindi mapipigilang pagkakahati-hati ay muling nangyari. Pero ngayong araw, ang boses ng nakararami ang mag-iisa sa lahat. Pagtapos ng bilangan, ang magkakaibang kulay ay dapat nang magkaisa at kumilos para sa kapakanan ng lahat.
Kung paano natin pinanindigan ang ating mga kandidato, ganundin sana natin ipaglaban ang pasya ng nakararami.
Bawat eleksyon ay panibagong pagkakataon para mas mapagbuti ang ating bansa. Kaya tayo bumoboto ay para makapili ng mga karapat-dapat na manatili o bagong mauupo na ating makakatuwang sa lahat ng ganap sa ating bansa.
Ngayon ang araw para sa pinakamahalagang desisyon, magkamali o magsisi man tayo sa ating mga ibinoto, bilang mamamayan, laging nasa atin pa rin ang higit na kapangyarihan lalo na kung may pagkakaisa.
Muli, gampanan natin ang ating papel ngayong halalan nang mapayapa at puno ng pag-asa.



Comments