Mga Pinoy, ready na ba vs. ‘Delta’? Sana!
@Editorial | July 18, 2021
Naitala ng Department of Health (DOH) ang ikalawang nasawi sa bansa na una nang nagpositibo sa mas nakahahawang Delta COVID-19 variant.
Kaugnay nito, una nang nagpatupad ng mas mahigpit na seaport border control upang mapigilan ang paglobo ng kaso ng COVID.
Samantala, pinag-aaralan na rin kung ano ang magiging pagbabago sa mga ipinatutupad na quarantine protocol sa bansa.
Isa na ay kung babawiin ang resolusyong pumapayag palabasin ang mga edad 5 pataas sa mga lugar na nasa ilalim ng general at modified general community quarantine, sa gitna ng banta ng Delta variant. Kapansin-pansin na talagang balik-lansangan ang mga paslit na tila nakalilimot sa banta ng COVID.
Sa sitwasyon ngayon sa ating kapit-bansa na Indonesia, kailangan talaga nating ikonsidera ang presensiya ng mas nakahahawa at mas mabagsik na variant. Kumbaga, tatawid lang, puwede nang makapasok ang virus at kumalat.
Kaya mas matinding paalala ang dapat na maiparating sa publiko — mag-ingat at sumunod sa health protocols kahit pa may pagluluwag ng restrictions.
Huwag nating dedmahin ang Delta variant dahil ito ang itinuturong nagdapa ng healthcare system sa India, at pagkakaroon ng surge sa ilang parte ng Southeast Asia.
Mas mainam na ngayon pa lang ay todo-kayod na ang gobyerno at mamamayan sa paghahanda at pag-iingat na hindi madale ng Delta variant.



Comments