Mga pasaway, ‘di natinag sa granular lockdown, tsk!
- BULGAR
- Sep 20, 2021
- 1 min read
@Editorial | September 20, 2021
Sa tatlong araw na pagpapatupad ng granular lockdown sa National Capital Region (NCR), halos 37,000 violators ang naitala ng Philippine National Police Joint Task Force COVID Shield.
Ayon sa pinuno ng PNP, sa 36,854 na nahuli, kalahati ang binigyan ng warning, ang iba ay pinagmulta habang meron ding dinala sa police stations para harapin ang isinampang reklamo.
Kabilang din sa mga tinututukan ay ang mga lugar kung saan may mga nagtitipun-tipon.
Sa datos ng JTF COVID Shield, 93 areas sa 38 barangays mula sa anim na siyudad sa Metro Manila ang isinailalim sa granular lockdown.
Nasa 244 police personnel naman ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para bantayan ang mga lugar na nasa special concern lockdown.
Kaugnay nito, nasa 304 na mga force multipliers ang tumutulong sa PNP sa pagbabantay sa mga nasabing lugar.
Ang tanging pakiusap ng mga awtoridad sa publiko ay ang laging mag-ingat at sundin ang mga panuntunan laban sa COVID-19.
Palaging magsuot ng facemask at iwasang magdikit-dikit para iwas-hawahan.
Hindi na talaga kakayanin ng bansa ang mas matindi at mas malawak na lockdown. Grabe na ang bagsak ng ekonomiya at may mga kababayan na tayong bumibigay sa problema.
Kailangan nating mas magpakatatag at alalayan ang isa’t isa.
Higit sa lahat, iwasang maging dagdag-problema, kawawa naman ang mga bata na ninanakawan ng ‘buhay’ ng pandemyang ito.



Comments