@Editorial | Abril 3, 2024
Kalbaryo sa trapik ang sumalubong sa mga motorista sa pagtatapos ng Semana Santa matapos na iniwang nakatiwangwang ang mga hindi pa tapos na road repair sa EDSA.
Pinahintulutan kasi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong nakaraang linggo ang ‘road works’ sa mga lansangan at magsagawa ng round-the-clock road diggings mula alas-11 ng gabi noong Miyerkules, Marso 27 hanggang alas-5 ng madaling-araw noong Lunes.
Napag-alaman pa na sa 40 manholes na ginawa, 24 pa ang iniwang bukas ng dalawang contractor na naglalagay ng fiber optic cables.
Ang akala pa ng mga motorista ay galing sa MMDA ang naiwang mga hukay na naging ugat ng trapiko dahil ginamit ng private contractors ang kanilang traffic cones at barriers.
Dahil dito, matinding abala talaga ang ibinigay ng dalawang private contactors sa mga motorista dahil karamihan ay balik-trabaho na ngunit sakit sa ulo naman ang tumambad sa kanila.
Kaya bilang parusa sa kanilang ginawang kapabayaan, pagmumultahin ang dalawang contractors ng P50K kada hukay araw-araw, bukod pa sa ibang violations na kanilang ginawa.
Kung tutuusin ay hindi lang sa EDSA may naiiwang hukay sa kalsada, sampolan din sana ang ibang nakatiwangwang na road repair na hindi matapus-tapos kaya mas lumalala ang trapik.
Madaliin na rin ang pag-aayos sa mga lansangan para kahit papaano ay guminhawa naman ang ating biyahe.
Isa pa sa dapat tandaan, ‘wag nang butasan ang kalsada kung papabayaan lang din naman at hindi tatapusin.
Comments