top of page

Mga magulang, ‘wag makampante, ingatan ang mga anak kontra kriminal online

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | May 23, 2025



Editorial

Kamakailan, isang edad 14 na babae ang naging biktima ng panggagahasa matapos makipagkita sa isang 34-anyos na lalaki sa nakilala lang sa isang online gaming application. 


Ang krimeng ito ay dapat nang ikabahala ng buong lipunan — sapagkat hindi na bago ang ganitong modus sa digital na mundo.


Sa panahon ngayon, ang internet ay naging pangunahing larangan ng social interaction ng kabataan. Ngunit sa kabila ng mga benepisyo ng teknolohiya, kalakip din nito ang mga panganib tulad ng online grooming, panlilinlang, at pang-aabuso ng mga mapagsamantalang indibidwal.


Ang kasong ito ay malinaw na paalala na ang mundo ng internet ay hindi ligtas para sa mga bata kung sila ay walang sapat na gabay. 


Maraming magulang kasi ang abala o kampante at iniisip na ang kanilang mga anak ay ligtas basta nasa bahay. Ngunit ang katotohanan, mas marami nang banta sa loob ng cellphone kaysa sa labas ng kalsada.


Hindi man natin laging kayang bantayan ang bawat sandali ng ating mga anak, ngunit kaya nating turuan sila ng self-awareness at discernment. Mahalaga ring makipag-ugnayan ang mga magulang sa isa’t isa at sa mga guro upang sama-samang maprotektahan ang mga kabataan. 


Kaya mahalagang ipaalala sa mga magulang na bantayan ang online activities ng ating mga anak. Kaunting tanong gaya ng “sino ang ka-chat mo?” o “ano ang nilalaro mo?” ay maaaring makaiwas sa trahedya. 


Ang pag-iingat ay hindi hadlang sa kalayaan ng kabataan kundi ito’y isang hakbang upang mapanatili ang kanilang kaligtasan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page