Mga katangian ng babaeng dapat ligawan
- BULGAR
- Jun 15, 2024
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 15, 2024

KATANUNGAN
May kaibigan ako na may pagka-adik, kaya kung sinu-sinong lalaki na rin ang nakagalaw sa kanya. Pero bago siya naging ganu’n, crush ko na siya at para pa ngang naging kami, pero bigla siyang nag-asawa. Ang napangasawa niya ay isang adik din, kaya naghiwalay sila. Nang maghiwalay sila, lalong gumulo ang buhay niya.
Nanghihinayang ako sa nangyari sa buhay at pamilya niya dahil hindi naman siya ganu’n dati. Kaya lang, nahiwalay siya sa amin at sumama sa iba.
Ang totoo nito, gusto ko pa rin siya hanggang ngayon, pero hindi naman ako adik. Gusto ko siyang tulungang magbago at magpakatino. Ano ba ang dapat kong gawin?
May posibilidad bang maging kami o magkaroon man lang kami ng relasyon kung sakaling ligawan ko siya? Pero, hindi ko alam kung paano magsisimula dahil magkaiba na kami ng mundo ngayon.
KASAGUTAN
Parang imposible nang mangyari ang iniisip mo, sapagkat kung tutuusin, tila ikaw ay matinong lalaki o hindi ka naman nag-aadik, habang ang kursunada mong babae ay may masamang bisyo.
Kaya kung ibabalik mo pa ‘yung pagkakataong magkaibigan kayo at matino siya, malabo na itong mangyari, maliban na lang kung makibarkada ka sa mga nag-aadik para muli kang mapalapit sa kanya na malabo mo namang gawin o siya naman ang magpakatino at makibarkada sa iyo.
Samantala, ganito ang sinasabi ng iyong kapalaran. Hindi siya ang makakatuluyan mo, sa halip, isang babaeng nakapag-aral at matino ang itinakda sa iyo ng kapalaran. Ito ay kinumpirma ng Guhit ng Babae (Drawing A. at B. B-B arrow a.) na sumabay at dagling pumatong sa Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.), hanggang ang nasabing Guhit ng Babae at Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) ay naging matatag at makapal na guhit. Tanda na kung hindi man mas mayaman, edukado at magaling sa iyo ang mapapangasawa mo, tiyak na ka-level o may katulad ding katayuan mo sa buhay. Sa madaling salita, tulad mo rin siya na may matino at maayos na pamilya. Ibig sabihin, matino rin siya, hindi kaladkarin at hindi aadik-adik tulad ng pinagpapantasyahan mong babae ngayon.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Jhomar, sa taong 2025, magkaka-girlfriend ka na. Ang babaeng ito ay matino, mas angat sa iyo ang level ng pamumuhay, na sa bandang huli ay siya na rin ang mapapangasawa mo at makakasama sa pagtatayo ng isang matino, maunlad at maligayang pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow d.). Habang ang dati mong crush ay magiging bahagi na lang ng alaala ng nakaraan mo na hinding-hindi na babalik kailanman.




