by Info @Editorial | July 8, 2024
Talamak pa rin ang ilegal na droga. Sa kabila ng bultu-bultong nakukumpiskang drugs, may mga nakakalusot pa rin.
Ang masaklap, tila mas lumalawak pa ang operasyon at mas maraming buhay ang sinisira.
Kamakailan, dalawang hinihinalang tulak ang nadakip ng mga pulis. Target umano nilang pagbentahan ng ilegal na droga ang mga estudyante sa University Belt Area (UBA) sa Maynila.
Nakumpiska umano mula sa kanila ang 500 gramo ng marijuana.Matagal na umanong sinusubaybayan ang ilegal na aktibidad ng mga suspek na ang karamihan ng suki ay pawang mga estudyante.
Nakababahala na maligaw ng landas ang mga kabataan dahil sa mga pasaway na ito.
Paano kung sa isang pagkakataon ay matukso ang isang estudyante na gumamit ng droga at makaimpluwensiya pa ng iba? Ano na lang ang magiging kinabukasan ng mga kabataan?
Kaya pakiusap sa ating kapulisan, dahil batid na natin na delikado ang mga estudyante, mas dagdagan sana natin ang pagbabantay. Malaking tulong ang presensya ng mga pulis sa paligid ng eskwelahan.
Huwag nating hayaang mawasak ang kanilang buhay sa masamang bisyo.
Payo rin sa mga magulang, kumustahin ang mga anak at tiyaking hindi sila nabibiktima ng ilegal na droga.
Opmerkingen