top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mga dahilan kung bakit ‘di nakakapag-asawa ang mga taong nueve

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 12, 2024
3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | June 12, 2024



Dear Maestro,


Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa love life ko. 35-anyos na ako, nagkaroon naman na ako dati ng mga boyfriend, pero ang pinagtataka ko ngayon, bakit hindi pa rin ako nakakapag-asawa? 


May boyfriend naman ako ngayon, kaya lang ‘di pa ako sure sa kanya. Maestro, compatible ba kami at sa edad kong ito kailan kaya ako susuwertehin? 


Kapag nagkaroon ba ako ng sariling pamilya, magiging maligaya at successful din ito?

Ang birthday ko ay September 18, 1988 habang ang nobyo ko naman ngayon ay December 17, 1989. 

 

Umaasa,

Rhona ng Catmon, Santa Maria, Bulacan

 



Dear Rhona,


Hindi ka makakapag-asawa kung mananatili sa buhay mo ang tipikal na ugali ng isang Virgo na napaka-perfectionist. Bukod sa perfectionist, masyado ring madetalyado, ang mga Virgo, kaya imbes na makita n’yo ang magandang kabundukan o kagubatan, ang mas nakikita n’yo ay ‘yung kaisa-isang nabubulok na puno sa nasabing bundok o kagubatan.


Ang malungkot pa rito, ang pagiging perfectionist mo bilang isang Virgo ay nahahaluan nang hindi mo naman perfect na birth date 18 o 9, (ang 18 ay 1+8=9). 

Mapili kayo sa lahat ng bagay, lalo na sa pag-ibig, dahil ang gusto n’yong mapangasawa ay iyong mas magaling at mas higit sa inyo, lalo na sa kalagayang panlipunan o status na tinatawag.


Sa bagay, hindi ko naman kayo masisisi, dahil higit kayong nagiging maligaya, sa tuwing nakakatagpo kayo ng iibigin n’yo na magagaling.


Ang masakit lang dito, kaya ka natatagalan makapag-asawa ay dahil akala mo magaling ka. Kaya naman wala kang makita na lalaking mas magaling pa sa iyo. Natatagalan kang makapag-asawa, dahil ang hinahanap mo ay mas magaling kaysa sa iyo, gayung ang tingin mo sa sarili mo ay isa ka sa pinakamagaling sa lahat.


Kahit hindi mo aminin na ganu’n ang tingin mo sa sarili mo, mababakas naman nila sa attitude mo iyon, lalo na kapag tumanda kang dalaga. 


Akala pa nga ng iba ay mapili sila, pero ang katotohanan wala lang talaga silang mapiling lalaki o babae na hihigit sa kanila. 


Kaya nga kapag naging professional ang taong nine (9), o malayo na masyado na ang kanilang naaabot, mas malamang na tumanda siyang dalaga o binata habambuhay, hindi tulad sa iba na hindi nakaabot sa mataas na career, mas madali nilang mahahanap ang isang taong mas magaling sa kanila, kaya naman mas madali silang makakapag-asawa. 


Samantala, ang boyfriend mo sa kasalukuyan na may birth date na December 17, 1989 ay ka-compatible mo sa Numerology, kaya kung siya ay mas magaling sa iyo, kunwa’y college graduate kayo pareho pero mas malaki ang suweldo niya kaysa sa iyo, kahit na medyo ayaw mo sa kanya, siya na ang mapapangasawa mo, dahil iiral sa sarili mo ang likas na talino ng isang Virgo na hindi ka dapat tumandang dalaga. 


Kaya sa edad mong 32 pataas, bilisan mo ang pagdedesisyon, kahit hindi mo siya masyadong ka-compatible pagdating sa Astrology, ang higit na mas mahalaga ay ang unconscious mong pamantayan sa pagpili ng mapapangasawa. 


Tiyak na siya na ang mapapangasawa at makakasama mo habambuhay. Subalit, magiging medyo magulo at puro problema muna ang mararanasan n’yo, dahil strong number ang 9 at strong number din ang 8. Ngunit, ‘wag kayong mag-alala dahil kapag may isa sa inyong natutong magpakumbaba o kusang magpa-under, tiyak ang magaganap, makakaranas din kayo ng isang maligaya, maunlad at panghabambuhay na pagpapamilya na nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2025 sa edad mong 36 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page