Mga cong at sen., dapat gumagawa ng batas at ng magandang pagbabago
- BULGAR

- Jul 28
- 1 min read
by Info @Editorial | July 28, 2025

Sa pagbubukas ng bagong sesyon ng Kongreso, muling nabuhay ang pag-asa ng sambayanang Pilipino para sa mga repormang matagal nang hinihintay.
Gayunman, sa kabila ng maraming ipinapasang panukalang batas taun-taon, iisa ang tanong ng taumbayan: makabuluhan ba ang mga batas na ito? Marami sa mga mambabatas — bago man o beterano — ang agad na naglalatag ng mga panukala, ngunit kapansin-pansin na ang ilan ay tila gawa lamang para mag-iwan ng marka sa papel, hindi sa buhay ng mamamayan.
Ang tunay na sukatan ng mambabatas ay hindi ang dami ng batas na kanyang naisabatas, kundi ang lalim ng epekto nito sa lipunan. Sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, krisis sa edukasyon, kakulangan sa maayos na serbisyong pangkalusugan, at lumalalang kawalan ng trabaho, ang kailangan ng bayan ay mga makabuluhang polisiya — hindi mga pabida o pampapogi. Nawa’y gamitin ang kapangyarihang gumawa ng batas hindi para sa sarili, kundi para sa tunay na kapakanan ng bawat Pilipino.
Kung ang batas ay dapat salamin ng adhikain ng bayan, maging malinaw sana sa bawat mambabatas — mula Kamara hanggang Senado — na ang kanilang trabaho ay hindi paminsan-minsang tungkulin. Ito ay panghabambuhay na responsibilidad sa bawat taong nagtiwala sa kanila.
Kailangan natin ng mambabatas na hindi lang gumagawa ng batas, kundi gumagawa ng magandang pagbabago.





Comments