- BULGAR
Mga bulok sa gobyerno, ipagtatapon na!
@Editorial | September 8, 2022
May panibagong ibinabala na taas-presyo sa bigas. Posible umanong tumaas ng P3 hanggang P4 sa susunod na buwan.
Ang dahilan, mababang ani na bunga umano ng mabagal na pagpapalabas ng ayuda sa mga magsasaka.
Sa ngayon, tumaas na ng P1 hanggang P2 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
Maari pa umano itong maiwasan kung kikilos na ang gobyerno, partikular na ang mabilis na pamamahagi ng tulong-pinansiyal sa mga magsasaka.
Inanunsiyo na rin ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng higit P8 bilyon sa Department of Agriculture (DA) para sa cash subsidy sa mga magsasaka. Kalakip nito ang P3 bilyon para sa Rice Farmers’ Financial Assistance Program.
Nauna rito, naging mainit naman ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa kontrobersyal na Sugar Order No. 4. Inakusahang sinungaling ni United Sugar Producers Federation of the Philippines (UNIFED) President Manuel Lamata ang nagbitiw na si Sugar Regulatory Authority Administrator Hermenegildo Serafica sa pagsasabing may kakapusan sa asukal sa lokal na merkado. Wala umanong shortage sa asukal, period!
Pero sa usaping ito na sinundan ng taas-presyo, ang kawawa ay ang taumbayan, lalo na ang maliliit na negosyante.
Habang patuloy ang imbestigasyon, umaasa tayo na matigil na kung meron man ang nauuso ngayong shortage sa mga pangunahing bilihin.
Huwag nating ibagsak ang kabuhayan na nagsisimula pa lang bumangon.
Sa mga mapatutunayang nasa likod ng mga kalokohan, panloloko at pangungurakot, sana ay mabigyan ng mas matindi-tinding parusa.
Dapat din ay tuluy-tuloy ang paglilinis sa mga ahensiya ng gobyerno. Pag-aalisin na ang mga bulok para hindi na makapanghawa pa.