by Info @Buti na lang may SSS | Sep. 22, 2024
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay isang college student na nagpa-part time work sa isang call center. Ako ay kinakaltasan buwan-buwan ng aking kontribusyon sa SSS. Nais kong malaman kung anu-ano ang mga benepisyo na maaari kong makuha sa SSS? Salamat.
— Mark ng Mandaluyong City
Mabuting araw sa iyo, Mark!
Kaugnay pa rin ng pagdiriwang ng ika-67 taong anibersaryo ng SSS ay ating talakayin ang buod ng pitong benepisyo na maaaring maibigay ng SSS isang miyembro:
Sickness Benefit
Ang benepisyo sa pagkakasakit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan. Ibinibigay ito sa kuwalipikadong miyembro na hindi makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan at naratay ng hindi kukulangin sa apat na araw.
Maaaring mapagkalooban ang isang miyembro ng sickness benefit na katumbas ng hanggang 120 araw kada taon.
Maternity Benefit
Ang maternity benefit o benepisyo sa panganganak ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa mga kababaihang miyembro nito sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa kanyang panganganak.
Sa ilalim ng Republic Act 11210 o mas kilala sa Expanded Maternity Leave Law (EMLL) na ipinatupad noong Marso 11, 2019, 105 days na ang paid maternity leave ng isang miyembro ng SSS, maging ito ay normal o caesarian delivery. Samantala, binibigyan naman ng 60 days na paid maternity leave ang mga kababaihan na nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy (ETP).
Unemployment Benefit
Para sa mga miyembro na mawawalan ng trabaho, maaari silang mag-claim ng unemployment benefit. Ito ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa mga miyembrong nawalan ng trabaho upang masuportahan ang kanilang sarili at kanilang pamilya. Sa ilalim ng benepisyong ito, maaaring makatanggap ng hanggang P20,000 na maximum benefit na magagamit nila habang sila’y naghahanap ng bagong trabaho.
Disability Benefit
Ang benepisyo sa pagkabalda ay ibinabayad sa isang miyembro na nawalan ng kakayahang magtrabaho o ang kanyang kakayahang kumita ay nabawasan dahil sa isang kapansanan na sanhi ng karamdaman o pagkapinsala.
Buwanang pensyon ang ibinabayad sa miyembro na nagkaroon ng kapansanan kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semester ng pagkabalda. Samantala, lump sum amount naman ang ibinabayad kung siya ay hindi nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon.
Retirement Benefit
Ang retirement benefit ay isang cash benefit na ibinibigay ng SSS sa miyembro nito na umabot na sa edad ng pagreretiro. Maaari itong ibigay ng lump sum o kaya naman ay monthly pension.
Para makatanggap ng buwanang pensyon, kinakailangan na mayroong 120 posted monthly contributions ang miyembro bago ang semester ng retirement. Kung hindi naman umabot sa 120 monthly contributions ay lump sum lamang ang kanyang matatanggap.
Funeral Benefit
Ang benepisyo sa pagpapalibing o funeral benefit ay isang cash o financial assistance na ibinibigay ng SSS sa sinumang nagbayad o gumastos sa pagpapalibing ng namayapang miyembro ng SSS.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, kung ang yumaong miyembro ay nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon o higit pa, maaaring makatanggap ang claimant ng P20,000 hanggang P60,000, depende sa bilang ng contributions at average monthly salary credit (AMSC) ng yumaong miyembro.
Subalit, kung siya ay nakapagbayad ng isa hanggang 35 buwanang kontribusyon lamang bago ang pagkamatay ng miyembro, makakatanggap ang claimant nito ng fixed amount na P12,000.
Death Benefit
Ang benepisyo sa pagkamatay ay ang halagang ibinabayad bilang buwanang pensyon o lump sum amount sa mga legal na benepisyaryo ng namatay na miyembro.
Samantala, kung nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon bago ang semester ng pagkamatay ng miyembro, ang kanyang primary beneficiaries o legal na benepisyaryo ay makakakuha ng buwanang pensyon. Kung ang namatay ay pensyonado, ang 100% ng basic monthly pensyon niya ay isasalin sa kanyang asawa at mga menor-de-edad na anak.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Comments