Metal dog, bawal magpaka-nega para tuluy-tuloy ang maunlad at masayang kapalaran
- BULGAR

- Oct 6, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | October 6, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.
Alalahaning ang Dog o Aso ay nahahati sa limang uri o klase, batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:
Metal Dog o Bakal na Aso - silang mga isinilang noong 1970 at 2030
Water Dog o Tubig na Aso - silang mga isinilang noong 1982
Wood Dog o Kahoy na Aso - silang mga isinilang noong 1934 at 1994
Fire Dog o Apoy na Aso - silang mga isinilang noong 1946 at 2006
Earth Dog o Lupa na Aso - silang mga isinilang noong 1958 at 2018
Sa pagkakataong ito, tatalakayin natin ang magiging kapalaran ng Metal Dog.
Kung ikaw ay isinilang noong 1970, ikaw ay nasa ilalim sa impluwensiya at kapangyarihan ng Metal Dog o Bakal na Aso at humigit-kumulang na ganito ang magiging kapalaran mo ngayong 2020 hanggang 2021.
Sinasabing sa career, nakatakda kang kumita ng malaking halaga at magkakaroon ng maraming pagkakataon ng pagkakakitaan at pagkakaperahan, na dapat sunggaban agad nang walang pagdadalawang-isip at pag-aalinlangan.
Dagdag pa rito, ngayong 2020 hanggang 2021, ‘yung matagal mo nang inaasam-asam na pangarap at mga bagay na pinaghirapan ay ngayon na mamumunga.
Tandaan din namang kapag napasaiyo ang tagumpay, dapat itong ingatan at ilaan para sa future.
Kung masaya ang pamilya at buong mag-anak, ingatan mo ito upang mapanatili ang pagsasama-sama at pagmamahalan ng pamilya. Kung malaking halaga naman ng salapi, pilitin mong maitago ito bago tuluyang maubos. Kung karangalan naman at promosyon sa iyong trabaho o inaaturgang gawain, panatilihin mo ang maganda mo nang nasimulan upang lalo pang dumami ang iyong karangalan at pagkilala.
Tandaan mo rin na ngayong 2020 hanggang 2021, madodoble ang lahat ng bagay sa iyong buhay. Kaya naman kung nasimulan mong magbisyo o maging tamad, ang iyong bisyo at masamang nakaugalian ay madodoble rin at lalo kang tatamarin. Kung walang pag-asa mong sisimulan ang 2020 at 2021, madodoble ito, kaya lalong manlulupaypay ang iyong kapalaran.
Kaya dapat ay palagi kang nakatingin sa positibo at maunlad na buhay sa taong ito at lagi kang maging masaya upang sa susunod 2021, magtuluy-tuloy ang pag-unlad at pagiging masaya ng iyong kapalaran.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, alalahanin mong minsan lang dumating ang pandemya at malapit na itong matapos. Ito ang pagkakataong lalo mong maipadarama sa iyong pamilya at mga mahal sa buhay ang iyong pagkalinga at pagmamahal. Sa halip na mag-aburtido at makunsumi sa buhay, lalo mo pang pag-igihan ang lambing at pagmamalasakit at pag-aaruga sa bawat miyembro ng iyong pamilya.
Sa ganitong paraan, sa 2021, kung paano mo pinagsisikapang mapanatili ang buo at masayang relasyon, ganundin ang nakatakdang darating sa iyo sa susunod na taon – ang dobleng suwerte at magagadang kapalaran na may kaakibat ding saya at walang kahulilip na ligaya.
Itutuloy






Comments