May pagkakataon ang lahat na makarating sa bagong Jerusalem
- BULGAR
- Nov 13, 2022
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 13, 2022
Mahigit apat na buwan mula nang yayain ako ni Fr. Emmanuel “Pong” del Rosario na samahan siya sa inorganisa niyang Pilgrimage sa Jerusalem at Turkey. Bantulot akong sumama sa kanya dahil malapit na ang adbiyento at maraming gawaing simbahan. Gayunman, walang tigil ang paghihikayat ng batang kapatid sa kanyang kuyang pari. Naririnig ko pa ang tinig ni Padre Pong, “Kuya, samahan mo ako sa pilgrimage sa Holy Land!”
Madaling malaman kung biro o totoo ang mga salitang galing kay Padre Pong. Sa pagkakataong ito, seryoso at walang halong biro ang kanyang mga salita. Parang higit pa sa Jerusalem ang tila tinutukoy ng batang pari nang hikayatin niya akong samahan siya noong Hulyo. Meron pa bang ibang ibig sabihin si Padre Pong kaysa sa Jerusalem na karaniwang pinupuntahan ng mga nagsisigawa ng banal na paglalakbay o paglalakbay sa mga banal na lugar?
Paulit-ulit ang paanyaya ni Padre Pong. Ilang araw din niya akong pinakiusapan at kinulit-kulit hanggang sa napapayag niya rin ako.
Dumaan ang mga linggo at buwan, na tumawag na naman si Padre Pong upang usisain kung ano na ang nagawa ko tungkol sa mga dokumentong kakailanganin para sa pilgrimage. “Pasensya ka na kapatid at wala pa akong nagagawa tungkol sa ating pag-alis,” paliwanag ko sa mapang-usisang kapatid. At doon ko na naman narinig ang garalgal at medyo inis niyang tinig, “Kuya, malapit na tayong umalis. Kumilos ka na. Tawagan mo na ang ating travel agency upang alamin kung anu-anong dokumento ang kailangan mong ayusin at kunin. At huwag ka mag-aksaya ng.panahon. Napakalapit na ng November 10, 2022, baka kapusin ka ng oras para ayusin ang lahat. Sige na, kuya. Kilos na!"
May halong pagbabanta ang tono ng tinig ng batang pari. Hindi ko mawari kung bakit tila nag-aalala at hindi lang basta nag-aalala, kundi parang nababahala at nababagabag pa. Bakit? Bakit kaya?
Natapos ko sa wakas ang paglalakad ng lahat ng dokumento. Nagpunta na ako sa Turkish Embassy at nakapag-file ng visa application. Maghihintay na lang ako ng abiso kung kailan makukuha ang aking passport na merong sticker ng Visa to Turkey. Samantalang naghihintay ako at ang iba pang pilgrim para sa aming Visa, tumawag ang isang mabuting kaibigan ni Padre Pong para sabihan akong naospital si Fr. Pong dahil hinang-hina ito. Nais kong dalawin ang mabuting pari ngunit, hindi pa tiyak kung ano talaga ang sakit niya. Isa lang ang pinayagang magbantay. Inalagaan ni Berna ang matagal nang katiwala ni Padre Pong mula simbahan ng San Jose sa Balintawak hanggang sa kasalukuyang simbahan nito sa Murphy, Cubao, Quezon City.
Umigi rin ang pakiramdam ng batang pari at pinalabas na ng ospital. Ngunit, hindi gusto ni Padre Pong umuwi ng sariling parokya at pinili nitong doon muna magpahinga sa parokya ng kaibigang pari. Noong ika-7 ng Setyembre 2022, nadalaw ko na rin siya sa parokya ng kaibigan niyang pari. Masaya ang pagkikita ng tatlong magkakapatid sa pagkapari ni HesuKristo. Isang tunay na biyaya na makausap, mayakap at maipagdasal ang kapatid na pari na kalalabas lang ng ospital. Bago kami nagpaalaman, nagdasal kaming tatlong pari para sa kalusugan at kagalingan ni Padre Pong. At iyon na ang huling pagkikita namin ni Padre Pong.
Tatlong araw pagkaraan ng aming pagkikita, nahirapang huminga si Padre Pong at ibinalik siya sa ospital. Pulmonya ang sakit nito. At sa mga sumunod na araw, unti-unting humina ang batang pari, bagkus ay natatawagan at na-te-text pa siya. Ang huling text ko sa kanya ay noong gabi ng ika-16 ng Setyembre. At sumagot naman ito na nagpapaalalang huwag kong pabayaan ang paghahanda para sa Jerusalem. Ika-anim ng umaga noong sumunod na araw, ika-17 ng Setyembre 2022, tumawag ang isang matalik na kaibigan ni Padre Pong para sabihing, “Wala na si Pong!” Hindi maaaring biro ang balitang ito. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Inulit-ulit ko ang mga salitang, “Wala na si Pong” na nagtatanong, nagtataka, nagugulat at nanlalambot.
At kaya pala hindi niya ako tinatantanan hangga't hindi ako pumapayag na sumama sa kanya. Mauuna nga siya sa Jerusalem, ngunit hindi sa luma kundi sa Bagong Jerusalem.
Ito pala ang pilgrimage na binuo ni Pong. Iba’t ibang pilgrimage. Iba-ibang antas at landas. Si Pong ang pinaka-maganda, pinaka-masayang Pilgrimage. At ang 28 na inunahan niya sa Bagong Jerusalem ay maglalakbay, magninilay, magdadalamhati at magdarasal sa lumang Jerusalem.
Hindi makararating ang lahat sa lumang Jerusalem. Ngunit, makararating ang lahat sa Bagong Jerusalem. At ang bawat sandali ng buhay ay marangal at banal na paglalakbay kahapon, ngayon at bukas tungo sa Bagong Jerusalem. Amen.








Comments