Matapos mabuntis… Babae, huli na nang nalaman na ama ng ipinagbubuntis, may sarili ring pamilya
- BULGAR
- Oct 23, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 23, 2023
Dear Sister Isabel,
Isa akong Overseas Filipino Worker (OFW). 35-anyos palang ako ay nabiyuda na 'ko, kaya nag-apply ako sa Dubai para matugunan 'ko ang pangangailangan ng tatlo kong anak at para na rin makapag-aral sila sa mahusay na paaralan.
One month palang ako ru'n ay niligawan na ako ng kasamahan ko sa trabaho.
Surprisingly, kahawig na kahawig niya ang yumao kong asawa, kaya madali rin akong napaibig sa kanya.
Sa loob-loob ko ay binuhay muli ni Lord ang asawa ko sa katauhan ng taong ito, hindi rin nagtagal ay nabuntis ako. Ngunit sa kasamaang palad, pamilyado na pala siya.
Iniwasan ko siya, 'wag ko lang mawasak ang kanyang pamilya.
Nag-resign ako at dali-daling umuwi rito sa 'Pinas. Nang malaman niyang umuwi ako, agad niya 'kong sinundan, at nag-resign din siya para hanapin ako.
Tinago ako ng tatay ko, pero 'di rin nagtagal ay pinakita rin niya kami, naawa umano 'yung tatay ko sa kanya. Para kasing masisiraan na siya ng bait sa kakahanap sa akin.
Handa niya umanong iwan ang kanyang tunay na pamilya, at ang sabi niya sa tatay ko ay matagal na silang separated ng misis niya na ngayon ay nasa abroad.
Naniwala ang ama ko, kaya kalaunan ay tinanggap na rin siya sa amin. Umuwi kami sa Mindanao, kung saan nandu'n ang kanyang mga kapatid. At du'n ko isinilang ang aming anak.
Tanggap naman ako ng pamilya niya kaya lang ay 'di ko talaga matanggap na kabit lang ako. Nagbabanta na rin 'yung legal wife niya idedemanda kami.
Ano'ng gagawin ko? Tuluyan ko na bang hiwalayan ang ama ng anak ko na siyang asawa ko sa kasalukuyan? Napamahal na siya sa akin at maayos naman ang buhay namin.
Nagpapasalamat,
Tess ng Mindanao
Sa iyo, Tess,
Mas makakabuting kausapin n'yo nang maayos si legal wife. Huwag n'yo siyang pagtaguan. Lahat ng bagay ay nakukuha sa magandang usapan. Sa palagay ko naman ay mauunawaan din niya kayo.
Magkaroon kayo ng arrangement kung ano'ng mas makakabuti para sa inyong lahat.
Nasa iyo rin ang desisyon kung papayag kang maging kabit niya habambuhay. Kung kaya mo ang ganyang kalagayan ay nasa iyo na 'yan. Ang mahalaga tanggap ng misis niya na dalawa kayo sa buhay ng mister niya. Kung hindi mo kaya ang ganyang sitwasyon, hiwalayan mo na ang ama ng anak mo, at humingi ka na lamang ng sustento sa kanya. Nasa pag-uusap n'yo 'yan. Umaasa akong malalagay sa ayos ang lahat para sa ikakabuti n'yo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo








Comments