Matapos ang sunog sa Comelec office SD cards, safe at intact – spox
- BULGAR
- Aug 1, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | August 1, 2022

Pinawi na ng Commission on Elections (Comelec) ang pangamba ng publiko na ang mga SD cards ay na-damage sa nangyaring sunog sa Palacio del Gobernador nitong Linggo ng gabi, ayon kay Comelec acting spokesperson Rex Laudiangco.
“Wala pong SD cards sa [Information Technology Department] at lalo na walang SD cards sa buong premises ng Comelec Main Office,” pahayag ni Laudiangco sa isang press conference ngayong Lunes.
“Lahat po iyan ay nasa aming secured warehouse na mas mataas po ang antas ng proteksyon. Kung makikita po ninyo, hindi po kami nag-store kahit ng [Vote Counting Machine] dito. Kaya po 'yung agam-agam at pangamba tungkol sa SD cards, pawiin po ninyo ito at wala pong SD cards sa main office ng Comelec,” dagdag ni Laudiangco.
Sa isang text message, ipinaliwanag ni Laudiangco na ang parehong main at ang back-up SD cards ay ginagamit sa VCMs sa pag-save ng vote count, election returns (ERs), logs at ballot images.
“After transmission of ERs to the central, transparency and back up servers as well as to its respective consolidation and counting machines, these were stripped/removed from the VCMs post elections and preserved as permanent records, and safekept separate from each other at the [Election Records and Statistics Department] Vaults in the COMELEC Sta. Rosa warehouse,” saad ni Laudiangco.
Bukod sa mga SD Cards, tiniyak din ni Laudiangco sa publiko na ang mga election returns ay hindi apektado at maaaring ma-access sa pamamagitan ng 2022electionresults.comelec.gov.ph.
Ipinahayag din ng opisyal na ang server room sa loob ng IT Department office at ang registration data ng Comelec ay safe at intact pa rin.
Ayon kay Laudiangco, ang registration data ay mayroong tinatawag na redundant fail safe systems kung saan nagse-secure ng impormasyon na kailangan para sa mga eleksyon.
Sinabi rin niya na ang iba pang vaults na nag-i-store ng back-up information ng Comelec ay hindi apektado ng naganap na sunog.
Binanggit naman ni Laudiangco na ang Comelec ay naghihintay pa rin ng final report mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) subalit sa initial reports makikita na walang ebidensiya ng foul play sa insidente.
Kommentare