top of page

Matamis pa ba ang asukal?

  • BULGAR
  • Aug 20, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 20, 2022


Napakatamis ng asukal noong araw. Napakatamis nito, lalung-lalo na sa malalaking pag-aari ng mga naturang haciendero sa Negros, Batangas, Laguna at iba pa. Ngunit, hindi ganun katamis ang asukal sa mga magsasaka nito. Napakalaki ng kinikita ng mga hacendero dahil sa kapangyarihang kontrolin ang presyo ng asukal at ng mismong sahod ng mga magsasaka ng asukal. Kilalang-kilala ang kondisyon ng mga sakada sa Negros. Naaalala ko pa ang mga kuwento ni Padre Juni Jesena Sj. Nagpanggap si Fr. Juni bilang sacada sa isang hacienda sa Negros Occidental. Malaking tao si Juni at hindi mahirap mamasukan bilang sacada sa taniman ng tubo. Mula umaga hanggang hapon, walang tigil na nagpuputol at nagbubuhat ng tubo si Fr. Juni at kinakarga ito sa mga trailer na hinahatak ng mga traktora sa mga bagon na hahatakan ng tren tungo sa mga gilingan ng tubo para lutuin at prosesuhin ang katas nito para gawing asukal.


Napakabigat ng trabaho ng sacada. Ngunit, napakaliit ng pang-araw-araw na sahod nito. Dahil dito utang nang utang ang mga sacada sa mga tindahan ng hacienda. Baon na sa utang ang mga ito na halos imposible nang makapagbayad. Walang kaso ito sa mga haciendero. Dahil sa utang ng kanilang magsasaka, walang magagawa ang mga ito kundi ang magtrabaho nang magtrabaho upang bayaran ang mga utang na hindi matapus-tapos.


Noong panahon ng mga Kastila, malaking bahagi ng Negros (malamang ay nasa 70%) ay tinamnan ng tubo. Bunga ito ng kasunduang Laurel-Langley Act na pinaboran ng Estados Unidos ang asukal na galing sa Pilipinas, kaya ang dating mga lupang tinatamnan ng palay at iba pang produktong agrikultural ay eksklusibong tinamnan ng asukal. Kaya’t lalong naghirap ang mga magsasaka dahil nawalan na sila ng kapasidad na magtanim para sa kanilang pangangailangan.


Kaya mula noon hanggang ngayon, meron pa ring malalaking hacienda ng asukal na naglalabas ng asukal na galing sa Pilipinas. Nandoon pa rin ang pag-asa sa merkado sa labas ng Pilipinas na bibili at susuportahan ang industriya ng asukal. At napakalakas pa rin ng mga may-ari ng malalaking hacienda na sa kabila ng Reporma sa Lupa noong 1988 ay hindi totoong natutupad ang nasasaad sa batas na hanggang 7 ektarya lang bawat pamilya ang maaaring hawakan ng lahat samantalang hahatiin ang malalaking lupain upang ibigay sa maliliit na magsasaka.


Bakit kaya nagkakaroon ng kakulangan ng asukal? Malinaw na mahina na at kulang na kulang na ang produksyon para sa lokal na pangangailangan. At kung titingnan natin kung bakit mahina na ang produksyon, hindi mahirap makita kung paano naging bunga ito ng mga sumusunod. Una, ang patuloy na pagtutol ng mga may-ari ng malalaking lupain sa reporma sa lupa na isa sa pangunahing dahilan kung bakit hindi umuusad ang agrikultura sa ating bansa. Hangga't wala at kulang ang lupang sasakahin; at hindi pag-aari ng mga nagsasaka ang lupang kanilang sinasaka at kung mahina o walang suporta ang pamahalaan sa mga magsasakang nagtatananim at sinisikap pabungahin ang lupa, hindi uunlad at magtatagumpay ang mga sakahan sa ating bansa. Pangalawa, ang paglaganap na ng mga bagong “haciendero” na hindi nagtatanim ng palay o tubo, ngunit namimili ng lupa bilang kayamanan (land banking) na kapag hinog na ang pagkakataon ay gagawing malaking “industrial estate” o subdivision mula first class hanggang second class at low cost.


Hindi lang nababawasan ang tamis ng asukal, kundi tuluyan nang nawawala ang mismong produksyon ng asukal (mula sa tubo). At kapag maingat na susuriin ang kalagayan ng mga sakahan at nagsasaka nito, mauunawaan mo kung bakit matabang o wala nang lasa ang asukal.


At isa pang dahilan kung bakit nawawalan ng lasa ang asukal kapag pinatatabang ito ng maling pulitika. Ano ba talaga ang nangyari?


“Kung kailangang mag-import dahil talagang kulang ang supply ng asukal, mag-i-import tayo!” 'Yan ang huling pahayag ng Malacañang. Sana, sabihin din nila kung mali ang patakaran at palakad ng pamahalaan sa pagpapatupad o hindi pagpapatupad ng batas. Sana sabihin din ng pamahalaan na kailangang ayusin at ituwid ang mali at sa halip na ang maling pamamalakad ang pairalin, ang tama, ang pabor sa maliit na magsasaka at pabor sa pagbibigay-proteksyon sa lupang-sakahan sa mga sakim na kamay na nais kamkaman ang lahat ng ito.

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page