Mas mahigpit na border control kontra Monkeypox
@Editorial | May 24, 2022
Hindi pa man natatapos ang pandemya dulot ng COVID-19, may panibagong banta na naman sa ating kalusugan.
Patuloy ang pagkalat ng virus na Monkeypox sa iba't ibang bansa. Kaugnay nito, pinaiigting na ng Pilipinas ang border control measures.
Inatasan na ang Bureau of Quarantine na paigtingin ang pagbabantay sa mga pasaherong nagmumula sa mga bansang may kilalang kaso ng Monkeypox.
Pinataas na rin ang symptom screening para sa mga papasok na pasahero bukod sa iba pang mga control measures.
Bagama't una nang inanunsiyo ng Department of Health na walang nakitang kaso ng Monkeypox virus sa Pilipinas kasunod ng mga kasong natagpuan sa mga bansa sa Europa, United States, Canada, at United Kingdom, kailangan pa ring magdoble-ingat.
Ayon sa World Health Organization, ang Monkeypox ay isang viral disease na nagmumula sa mga hayop at pangunahing nangyayari sa mga tropikal na rainforest na lugar ng Central at West Africa.
Kaya sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga border, umaasa tayo na hindi makakalusot ang virus at higit sa lahat, sanay tumigil na ang pagkalat nito.
Hangad natin na tuluyan nang makakawala sa mga sakit na nagpapahirap hindi lang sa kalusugan kundi maging sa kabuhayan.
Ang inaasahan natin ngayon ay ang tuluyan nang makontrol ang sitwasyon.
Sa pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor at ng mamamayan, malalampasan din ang pandemya at iba pang krisis.



Comments