Mas mabigat na parusa sa mga paulit-ulit na lumalabag sa batas-trapiko

@Editorial | February 18, 2021
Halos walong libong sasakyan ang na-impound ng Philippine National Police-Highway Patrol Group sa pinalakas na “Oplan Lambat Bitag Sasakyan”.
Ang mga na-impound na sasakyan ay resulta sa isinagawang 11 operasyon mula noong Disyembre 2, 2020 hanggang nitong Pebrero 8, 2021.
At nitong Lunes, 1,427 na mga sasakyan at motorsiklo pa ang na-impound dahil sa iba’t ibang paglabag habang 371 illegal accessories naman ang nakumpiska sa simultaneous nationwide anti-carnapping and road safety law enforcement operations.
Kasabay nito ang naitalang pagtaas sa bilang ng mga nahuhuling kolorum na mga sasakyan.
Bukod sa mga na-impound, 48,000 naman ang tinikitan ng HPG, kung saan 15,173 ay paglabag sa RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code kabilang ang 198 colorum vehicles, 7,621 lumabag sa Helmet Law, at nasa 3,361 ang nakumpiskang mga unauthorized accessories.
Patunay ito na marami pa rin ang pasaway sa batas-trapiko. May mga kulang sa kaalaman pagdating sa mga traffic rules at signs, at meron ding sadyang ayaw lang sumunod sa batas. Dagdag pa itong mga todo-‘papogi’ kuno ng sasakyan, sangkaterbang accessories ang ikinakabit tulad ng mga nakakasilaw na ilaw, napakaingay na tambutso at kung anu-ano pang burloloy na nakakaperhuwisyo na sa ibang motorista.
Kung magpapatuloy ang pagdami ng mga pasaway sa kalsada, marahil ay hindi na lang ticket o pag-impound ang kailangan, dapat nang mag-isip ng mas mabigat na parusa.
Para sa mga pasaway, walang disiplina at walang pakialam sa kaligtasan ng iba, mas mabuting bawian na lang ng lisensiya.



Comments