top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Manliligaw na guwapo pero wa’ work, dapat piliin ng bebot na atat mag-asawa

BULGAR
Jul 28, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 28, 2022



KATANUNGAN

  1. Magulo ang isip ko ngayon dahil pine-pressure ako ng pamilya ko na mag-asawa. Dalaga pa kasi ako sa edad na 38 at baka hindi na raw ako magkaanak. Ayos lang naman sa akin na mag-asawa na ako dahil may dalawa naman akong manliligaw, pero ang problema ay hindi ko naman alam kung sino ang dapat piliin sa kanila.

  2. ‘Yung una ay tawagin nating Mr. Sagittarius na isinilang noong December 20, 1985. Sa tingin ko ay mukhang tapat at seryoso siya dahil palagi siyang pumupunta sa bahay at palagi niya akong kinukumusta. Pero, may mga taghiyawat siya sa mukha, medyo kayumanggi ang balat at hindi kagandahang lalaki.

  3. Ang pangalawa ko namang manliligaw ay tawagin nating Mr. Taurus, isinilang siya noong April 29, 1982 at mas matanda siya sa akin ng dalawang taon. Kaya lang, wala siyang regular na trabaho, pero college graduate siya tulad ko at may hitsura siya kung ikukumpara kay Mr. Sagittarius. Type ko sana siya, pero nagtataka ako dahil hanggang ngayon ay wala pa rin siyang stable source of income.

  4. Nais kong malaman, Maestro, kung sino sa dalawang lalaki na ito ang nakaguhit sa aking mga palad na makakasama ko habambuhay? Kung wala naman sa kanila, may darating pa bang iba? Huwag naman sanang matagal dahil kinakabahan na ang mga magulang ko na baka tuluyan akong tumandang dalaga.

KASAGUTAN

  1. Huwag naman sanang mangyari ‘yan. Pero hindi ko rin lubos maisip kung paano ilalarawan na sa panahong nag-asawa ka na, paggising mo sa umaga, ‘yung pangit na asawa mo agad ang iyong makikita at pagkagaling mo sa trabaho at sa gabi, siya na naman ang katabi mo. Puro ‘yung pangit na mukha na lang ng napangasawa mo ang makikita mo araw-araw. Samantalang, ang pag-aasawa ay parang bumili ka ng kuwadro, inuwi mo sa bahay at idinispley mo sa iyong silid. Kung pangit ang nabili mong kuwadro at araw-araw mong nakikita, sisigla at magiging masaya ba ang buhay mo?

  2. Tunay ngang ang the best na mapangasawa ay ‘yung simple lang pero may hitsura at ang pangalawang criteria ay mabait o mabuting ugali. Dahil sabi nga nila, ang ganda ay lumilipas o nabubura, pero ang mabuting ugali ay hindi nawawala. Dagdag pa rito, mas maganda ring mapangasawa ‘yung ka-level ng estado mo sa lipunan. Tama ka, kung college graduate ka, dapat pareho kayong nakapag-aral upang abot ng kaisipan n’yong dalawa ang inyong pinag-uusapan upang maiwasan ang madalas na pagtatalo at hindi pagkakaunawaan.

  3. Sa kaso mo, Mayla, higit na tugma sa iyo ang ikalawang lalaking binabanggit mo na may birthday na April 29, 1982 kung ikukumpara kay December 20, 1985. Sa pag-aasawa, dapat pa ring may hitsura ang iyong piliin dahil tulad ng nasabi na, mula paggising mo sa umaga hanggang sa pagtulog mo sa gabi ay siya na ang iyong makikita, kaya kailangan presentable rin ang pisikal niyang kaanyuan. Kapag ganu’n, habang kasama mo ang iyong napangasawa, ang buhay mo ay palagi namang magiging masigla at masaya dahil may hitsura o guwapo ang iyong napangasawa.

  4. Samantala, iisa lang ang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanang mong palad. Dahil ito ay hindi naman masyadong malayo sa Heart Line (h-h arrow b, 1-M arrow a,), nagpapahiwatig ito na kilala mo na ngayon ang iyong mapapangasawa at maaaring isa na sa dalawa mong maliligaw ang iyong makakatuluyan. Ang naturang pag-aasawa ay nakatakda namang mangyari sa susunod na taong 2023, sa buwan ng Mayo o Oktubre.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Sinasabing kadalasan sa mga Virgo ay nakakapag-asawa sa buwan ng Mayo o Oktubre dahil ‘yun ang significant months nila. Gayundin, kadalasan ay may hitsura at guwapo o maganda ang kanilang napapangasawa dahil sila ay pintasera at pintasero.

  2. Sa kaso mo, Mayla, ayon sa iyong mga datos, sa susunod na taong 2023, makakapag-asawa ka na at ito ay sigurado namang hahantong sa maligaya at panghabambuhay nang pagpapamilya (1-M arrow a.), hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page