top of page

Makikita ko ba ang aking aso sa langit?

  • BULGAR
  • Oct 9, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 9, 2022


Noong ika-5 ng Pebrero 2020, binawian ng buhay si Padre Danilo Bermudo, ang kaiskuwela kong pari na naglilingkod sa Diyosesis ng Bulacan. Nang nagtungo kami sa parokya ni Padre Danny para mag-alay ng misa para sa kanya, ipinasyal kami ng kanyang katuwang na pari sa Hardin ni Padre Danny. Nakita namin ang magagandang tanim na inaalagaan ng yumaong pari. Buhay na buhay. Pawang nakangiti lahat ng kanyang halaman. Tiyak na bunga ang kagandahan at sigla ng mga halaman sa matiyaga at mapagmahal na pangangalaga ng yumaong pari sa kanyang halaman.


Pagkatapos naming pasyalan ang hardin, natanong natin ang katuwang na pari ni Padre Danny, “Padre, ikaw naman, ano ang hilig mo?” Ngumiti ang pari at sumagot. “Hilig kong mag-alaga ng aso. Naririto rin sa gilid ng hardin ang aking mga aso.” At dinala kami ng pari sa kanyang mga alagang aso. Sumususo ang limang napaka-cute na tutang Dachshund sa kanilang ina. Pinagmalaki ng pari ang kanyang mga alagang aso at inalok pa ako. “Binebenta ko ang mga tuta, ngunit para sa 'yo, kung gusto ninyo ay bibigay kong libre ang isa.” Hindi ako nagdalawang-isip at tinanggap ang kanyang alok. Pinapili ako sa mga tuta at swerte naman at wala pang may-ari ng tutang napili ko. “Bumalik na lang kayo pagkaraan ng dalawang linggo para kunin ang inyong bagong alaga.


Malungkot ang misa para sa yumao kong kaeskwela. Nakilala ko si Padre Danny noong kami ay pare-parehong seminarista noong 1973. Matagal na kaming magkaibigan. Marami na kaming pinagdaanan sa seminaryo at sa labas nito bilang mga pari. Ngunit sa kabila ng kalungkutan ng pagkawala ni Padre Danny, siya naman ang pagdating ng bagong alagang tuta na galing sa isa ring pari. Nang bumalik ako upang kunin ang tuta, malungkot na ibinalita ng pari na tinamaan ang lahat ng aso ng nakamamatay na virus.


Namatay ang tutang napili ko. Ngunit, ayon sa pari, ang pinakamaliit, pinakamahina at ang pinakakaraniwan, hindi cute, hindi pangit na tuta ang natirang buhay. “Nahihiya akong ibigay sa iyo ang kaisa-isang nabuhay na tuta, ngunit kung gusto ninyo, ibibigay ko siya sa inyo.” Pumayag ako at inuwi ko ang napakaliit na tutang babae na tinawag kong Dan-Dan bilang paggunita at pasasalamat sa buhay ng aking yumaong kaeskwela.

Noong ika-4 ng Oktubre, sa Pista ni San Francisco ng Assisi, patron ng kalikasan at patron ng mga hayop, tumawag ang tagapag-alaga ni Dan-Dan na hirap manganak si Dandan at kung hindi magbabago ang kanyang kalagayan, baka kailanganin nito ng Cesarean Section. Nahirapan ang munting aso at ganun nga ang nangyari. Naoperahan siya at nailabas ang tatlong tuta na isa-isang namatay. Awa ng Diyos, buhay siya. Tila binuwis ng kanyang tatlong anak ang buhay ng kanilang ina. Bilang paghahanda sa Pista ni San Francisco ng Assisi na ipinagdiwang namin sa pamamagitan ng misa at pagbabasbas sa mga alagang hayop, binasa ko ang librong isinulat ng Franciscanong Pari, “Will I see my dog in heaven.” Makikita ko ba ang aking aso sa langit?


Noon ding araw na iyon magkasunod kong dinalaw at binasbasan ang napakaliit na sanggol na isinilang ng premature ng anim na buwan pa lamang. Kay liit-liit ni Andre Kayden na iniiyakan ng kanyang mahal na mga magulang. Pagkatapos kong dasalan at basbasan ang sanggol, inihanda na ito para dalhin sa Crematorium. Nagmamadali akong umalis para naman sa misa para sa yumaong parokyano. Pagkatapos mag-treadmill si Rowell, ito ay umupo at nagpahinga. Daan-daanan ito ng mga kasama niya sa bahay. Wala silang kamalay-malay na wala na si Rowel sa edad na 55.


Nasaan na si Andre Kayden; si Rowel at ang tatlong anak ni Dan-Dan? Meron bang magkahiwalay na langit para sa tao at hayop? Meron bang kaluluwa ang mga hayop? Hindi ko masabing oo, ngunit hindi ko rin masabing hindi. Ayon sa librong “Will I see my dog in heaven?” ang kakaibang ugali ng mga alaga, pets, ang kanilang katapatan (loyalty); pagmamahal at pagmamalasakit para sa kanilang amo ay larawan ng walang hanggang kabutihan ng Diyos sa atin. Ayon sa Paring Franciscanong nagsulat ng libro, merong prinsipyo ng buhay ang bawat hayop na masasabing “kaluluwa nila.” Hindi na kailangang pagtalunan kung sino ang mas mataas, tayo o sila. Ang mahalaga ay ang kanilang mahiwagang pagiging larawan ng walang hanggang katapatan at pagmamahal ng Diyos.


Sa araw na ito, mimisahan namin ni Padre Flavie Villanueva ang kaibigan naming si CHR Chair Chito Gascon, na isang taon nang yumao. At ngayong sinusulat ko ang artikolong ito, nababalot ako ng kalungkutan dahil sa pagpanaw ni Tita Tessie Jose, asawa ni Tito Frank Sionil Jose kaninang 11:30 ng umaga.


Walang humpay ang pagdating at paglisan ng mga kamag-anak, kaibigan, kaparokya, kababayan, kapanalig… Walang humpay ang pagbati ng langit at lupa… Ang babala at paalala ng buhay at kamatayan… Ang gumigising at gumigitlang kaligtasan o kapahamakan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page