Makakatuluyan ang ka-compatible na BF kaya ‘di dapat mag-alalang tumanda mag-isa

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 6, 2020
Dear Maestro,
May boyfriend ako ngayon, kaya ang itatanong ko ay kung halimbawang mag-aasawa na kami, ano’ng kapalaran ang naghihintay sa amin? Maestro, sana ay masagot n’yo ang mga katanungan kong ito dahil ako ay labis na nag-aalala kung ako ba ay dapat pang mag-asawa o hindi?
Kung talagang ganu’n ang kapalaran ko, okey lang dahil ayaw kong matulad sa mga kapatid ko na nahiwalay lang sa kani-kanyang asawa at pagkatapos ay sila ang bumubuhay at nagpapalaki sa mga pamangkin ko.
Ayaw kong matulad sa kanila dahil kung ako lang ang masusunod at ganu’ng kalagayan ang sasapitin ko, mas pipiliin kong tumandang dalaga habambuhay. December 7, 1992 ang birthday ko at March 29, 1989 naman ang birthday ng boyfriend ko.
Umaasa,
Clarisse ng San Martin de Porres, Cubao, Quezon City
Dear Clarisse,
Siyempre, depende sa mapapangasawa ng babae ang dapat na maging basehan kung siya ay mag-aasawa o hindi at pipiliin na lang niyang tumandang dalaga habambuhay. Halimbawa sa kaso mo, Clarisse, ang dapat mong pagbasehan ay kung ano’ng klase ng tao ang iyong boyfriend.
Ang isang espesipikong halimbawa ay ganito, kung matino naman ang boyfriend mo, walang bisyo, may magandang trabaho at mahal mo naman siya, bakit natatakot kang mag-asawa, gayung compatible naman kayong dalawa? Ayon sa birth date mong 7 at sa birth date na 29 o 2 (2+9=11/ 1+1=2) ng boyfriend mo ay sadyang compatible, ganundin ang zodiac sign mong Sagittarius at Aries naman ang boyfriend mo ay tugma rin sa isa’t isa dahil kapwa kayo pinaghaharian ng elementong fire o apoy.
Pero kung batugan ang boyfriend mo, walang trabaho, maraming bisyo, pangit ang background ng pamilya, kahit ka-compatible mo siya, hindi mo siya dapat mapangasawa. Dahil kung ganu’n ang ugali niya, walang iniwan sa kasabihan ng matatanda ang maaaring mangyari sa inyong pag-aasawa– “Para kang kumuha ng bato na ipinukpok mo sa iyong ulo.”
Ganu’n lang naman ang buhay natin dito sa mundo. Kikilalanin mo munang mabuti ang background at ugali ng mapapangasawa mo bago siya pakasalan at pagkatapos ia-apply natin ngayon ang teorya o batas ng compatibility.
Tandaang ang unang dapat mapangasawa ng babae na gusto nang mag-asawa ay may trabaho at mabait, dahil kung kabaligtaran nito, ano’ng ligaya ang mahihita mo sa lalaking ‘yan? Siyempre, mahalaga rin na dapat ay mahal mo siya.
Kung may trabaho naman siya, pero lasenggo, sugarol, babaero at maraming bisyo, ano’ng ligaya ang mahihita mo sa ganyang klase ng lalaki?
Tapos, kapag nasigurado mo nang may “future” ka sa kanya at mabait ang lalaking ito, ang isa pang kailangan ay compatible kayo sa Numerology at Astrology upang suwabeng umusad ang maunlad at maligayang relasyon habambuhay.
Sa matuling salita, kung may trabaho ang lalaking sinasabi mo, matino ang kanyang pamilyang pinanggalingan at wala naman siyang bisyo at mahal na mahal mo naman siya, kung “oo” ang iyong tugon, tiyak ang magaganap sa 2021– hindi na maiiwasang mabuo ang maligaya at panghabambuhay na relasyon na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments