top of page
Search
  • BULGAR

Mahilig pumuna ng mali pero takot magsalita

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 26, 2021



Dear Sister Isabel,

Isa ako sa tagasubaybay ng inyong column at hanga ako sa pagbibigay ninyo ng payo sa mga sumasangguni sa inyo. Ang problema ko ay tungkol sa tinitirahan ko. Maganda naman ang kapaligiran at mababait ang mga guard na naka-assign sa entrance gate, pero masyadong dikit-dikit ang mga bahay at halos dinig na dinig na ang kalampag ng pintuan kapag isinasara at pati usapan ay naririnig din sa sobrang lapit ng distansiya ng bawat bahay.

Hindi na ako makatulog nang maayos at isa pa, hindi ko naman masabi sa kapitbahay dahil mabuti naman ang pakikitungo nila sa akin. Baka kung sasabihin ko ang reklamo ko ay magtampo sila hanggang sa tuluyan na kaming mag-away. Bakit kaya ganito ako? Kapag may nakikita akong mali, kibit balikat lang ako at idinadaan sa dasal ang lahat. Sa Diyos ako nagsusumbong at ipinagdarasal na sana ay malutas ang mga problema ko sa buhay.

Alam kong mali na hindi punahin o pagsabihan ang mga taong may maling ginagawa. Ayaw ko kasi ng away o ‘yung nakikipagtalo, gayundin ayoko ng may makasamaan ng loob kaya pinipili kong manahimik at sinasabi sa aking sarili na balang-araw ay maliliwanagan din ang mga taong ‘yun at ilalagay sa tuwid ang mali sa pagkatao nila.

Tama ba ang ginagawa ko, Sister Isabel? Ang sa akin lang ay ayoko ng gulo at bahala na ang Diyos sa kanila. Ang mahalaga, wala akong nakaaway o nakasamaan ng loob. Hindi ako nakikipagtalo kaninuman na posibleng mauwi sa away na maaaring humantong pa sa korte. ‘Yun lang ang mahalaga sa akin. Nawa’y mabigyan ninyo ako ng payo kung tama o mali ako. Maraming salamat.


Nagpapasalamat,

Lorna ng Quiapo


Sa iyo, Lorna,

May mga tao talagang kagaya mo na ginugustong manahimik at ipagdasal na lang sa Diyos ang kanilang mga kaaway kaysa sitahin at huwag palagpasin ang nagawang kasalanan sa kanila. Saludo ako sa iyo dahil malaki ang pananalig mo sa Diyos. Bihira lang ang ganyan.


Sa kabilang dako, kung mananatili kang ganyan, ang sabi ng iba, ‘yan ay maituturing na sin of omission. Kasalanan na rin umanong maituturing kung hindi mo itutuwid ang pagkakamaling nagawa sa iyo ng ibang tao. Kunsabagay, may kani-kanya tayong free will na tinatawag. Kung ano ang magiging pasya natin sa ating sarili na inaakala nating mas mabuti kaysa magkagulo at ipagpilitan ng bawat isa ang kani-kanyang katwiran, sa palagay ko ay tama ka sa ginagawa mo. Batid naman natin na may taong makitid ang isip at mahirap umunawa at tiyak na gulo ang lilikhain kapag ganyan ang kausap. Lalong magkakagulo at walang katapusang pagtatalo na maaari ring umabot sa punto na magkasakitan o magdemandahan.


Marahil, ‘yan ang nasa isip mo kaya idinadaan mo na lang sa pagdarasal ang mga kaaway mo o ‘yung mga taong nakagawa ng hindi maganda sa iyo.


Sa palagay ko rin ay likas kang madasalin, mapagpakumbaba at maunawain. ‘Yan ang mga ugaling gustong-gusto ng Diyos kaya ipagpatuloy mo na lang ang likas na ugali mo. Sa ganyang paraan, pagpapalain ka at sasaiyo ang walang hanggang biyaya ng Dakilang Lumikha.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page