top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Magulong lagda, dapat baguhin at simplehan para umunlad ang buhay

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 21, 2020
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 21, 2020



Dear Maestro,

Ako ay isa sa mga tagahanga n’yo at laging nagbabasa ng inyong kolum. May koleksiyon na rin ako ng Book 1, 2, 3 at 4, waiting din ako para sa paglabas ng Book 5 n’yo para makumpleto ang aking collection ng mga libro n’yo. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung ano ang katangian ng taong isinilang noong December 3, 1988? Ako ay isang Sagittarius na may birth date na 3, sa destiny number na 5. Ano ang dapat kong gawin upang ako rin po ay umunlad at umasenso sa buhay?


Umaasa, Carol ng Tabang, Plaridel, Bulacan


Dear Carol,

Para umasenso, ang unang-unang dapat mong gawin ay baguhin ang magulo at medyo nababoy mong lagda na nilagyan mo ng maraming pa-utot at mga burloloy. Para maayos ang iyong lagda, dapat isulat mo nang malaki at malinaw ang letrang “C” at “S” bilang unang letra at ikalawang letra sa iyong lagda. Simpleng “C” at “S” lang na walang burloloy o pautot ang dapat, tapos idugtong mo na agad ang iyong kumpletong apilido.


Sa ganyang simpleng lagda, pilitin mong magkaroon ng malinaw at bilog na buntot ang letrang “g”, sa gitnang bahagi ng iyong lagda, sapagkat ito ang magsisilbing enerhiya at lakas ng loob upang ikaw ay magpatuloy sa lahat ng iyong mga hangarin at balakin sa buhay.

Pagkatapos mong isulat nang malinaw letrang “C” at “S”, tulad ng nasabi na, idugtong mo ngayon nang malinaw din ang iyong kumpletong apilido. Siyempre, ‘wag na ‘wag mo nang ibalikwas sa direksiyong pakaliwa ang dulong bahagi ng letrang “a” para hindi na muling maburara at mababoy ang iyong lagda.

Pagkatapos, ibukas mo ang letrang “a” sa halip na sarado, at tapusin ang iyong lagda sa matinding straight line o tuwid na guhit.

Sa ganyang lagda, tiyak ang magaganap, mapapawi na ang lahat ng hina ng loob at takot sa iyong sarili at sandaling lumakas na ang iyong loob, dahil hindi mo na binaboy o binurara ang iyong lagda, sa halip ay isinulat mo nang malinaw at maganda, gaganda at lilinaw din ang iyong kapalaran patungo sa maunlad at maligayang pamumuhay.

Pangalawa, dahil Sagittarius ang iyong zodiac sign sa birth date na 3, lagi kang magsuot ng pula o mga kulay na hinango sa pula tulad ng pink, lila, purple, lavender at iba pang mga kulay na kauri nito. Sapagkat ang nasabing mga kulay ang magbibigay sa iyo ng dagdag pang suwerte at magandang kapalaran.

Kapag sawa ka na sa kulay na pula, puwede mo ring isuot ang kulay na sadyang laan sa destiny number mong 5, (12+3+1988=2003/ 20+03=23/ 2+3=5) ang powder blue, metallic blue, gray, silver at white.

Pangatlo at ang pinakamahalaga sa lahat upang ‘wag kang magkaroon ng grabeng frustration sa larangan ng pag-ibig, piliin mo ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Leo, Aries, Gemini at kapwa mo Sagittarius, higit lalo silang may birth date na 5, 14, 23, 9, 18, 27, 6, 15, at 24 – kapag ganyang uri ng lalaki ang nakatuluyan at napangasawa mo, tiyak ang magaganap, makakaranas ka na ng maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.

Habang, ayon sa Decadens ng Kapalaran, kung susundin mong mabuti ang mga simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas, tiyak ang magaganap, bukod sa buwan ng Marso hanggang Abril, Hulyo hanggang Agosto at Oktubre hanggang Disyembre, mapalad ka rin sa taong pagpasok ng taong 2021 at 2022. Sa mga panahong nabanggit, sa edad mong 33 hanggang 34 pataas, isa-isa at kusa nang matutupad ang iyong mga pangarap, hanggang sa tuluy-tuloy nang lumigaya at umunlad ang iyong karanasan sa larangan ng career, pag-ibig at pagpapamilya habambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page