top of page

Magparehistro, makialam at bumoto sa BSKE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 11, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | July 11, 2025



Editorial


Inanunsyo na ng Commission on Elections (Comelec) na nakatakdang umarangkada sa Agosto 1 hanggang 10, 2025 ang voter registration para sa idaraos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).


Ito ay habang hinihintay pa ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. hinggil sa panukalang ipagpaliban ang naturang halalan sa Nobyembre 2026 at palawigin ang termino ng mga barangay officials ng hanggang apat na taon.


Sa bawat eleksyon, ipinapakita natin ang diwa ng demokrasya — ang kapangyarihan ng mamamayan na pumili ng mga lider na tunay na maglilingkod sa bayan. 


Sa nalalapit na BSKE sa Disyembre 1, mahalaga ang bawat boto. Ngunit bago makaboto, kailangan munang maisakatuparan ang isang napakahalagang hakbang, ang pagpaparehistro.


Ang hindi pagpaparehistro ay pagkakait sa sarili ng karapatang pumili ng mga pinunong may tunay na malasakit sa komunidad.


Hindi rin sapat ang pagrereklamo sa social media kapag may hindi magandang pamamalakad. Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagkilos.


Ang halalan ay hindi lamang tungkol sa mga kandidatong tatakbo — ito ay tungkol sa kapangyarihan ng bawat mamamayan. Huwag hayaang masayang ang karapatang ito. Magparehistro, makialam, at makilahok.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page