News @Balitang Probinsiya | August 12, 2024
AKLAN -- Inaresto ng mga otoridad ang magkasintahang drug pusher sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Libacao sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Totot” at “Joy,” kapwa nasa hustong gulang at parehong residente sa naturang barangay.
Ayon sa ulat, naaresto ang mga suspek sa drug-bust operation ng mga operatiba sa nabanggit na lugar.
Nakakumpiska ang mga otoridad ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
Kapwa nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang magkasintahang drug pusher.
MANGINGISDA, KINATAY NG KATOMA
MASBATE -- Isang mangingisda ang namatay nang pagsasaksakin ng kanyang kainuman kamakalawa sa Brgy. Dalepi, Cawayan sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ay nakilala sa pangalang “Lito,” 27, samantalang ang suspek ay si alyas “Romy,” 34, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Ayon sa pulisya, habang nag-iinuman ay nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa kaya pinagsasaksak ng suspek ang biktima.
Dinala pa ng mga saksi ang biktima sa pagamutan, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Agad namang naaresto ng mga nagrespondeng pulisya ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong murder.
HVT SA DROGA, TIKLO SA RELOCATION SITE
ALBAY -- Isang HVT na notoryus na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation kamakalawa sa relocation site, Legazpi City sa lalawigang ito.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya sa alyas na “Tulak,” nasa hustong gulang at residente ng nasabing lungsod.
Nabatid na may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang suspek kaya naaresto sa buy-bust operation.
Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng tatlong pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
MULTICAB NABANGGA NG TRAK, 7 SUGATAN
MAGUINDANAO DEL NORTE – Pito katao ang sugatan nang mabangga ng isang trak ang kinalululanan nilang multicab kamakalawa sa Brgy. Capiton, Datu Odin Sinsuat sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang mga biktima habang hindi pa naipapabatid sa kanilang mga pamilya ang naganap na aksidente.
Ayon sa ulat, mabilis ang takbo ng trak na minamaneho ng hindi pinangalanang driver kaya nabangga ang multicab na kinalululanan ng mga biktima.
Napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ang mga biktima, kabilang ang driver ng multicab.
Nahaharap ngayon ang driver ng trak sa kasong reckless imprudence resulting to multilple physical injury and damage to property.
Comments