Magandang ugnayan ng ‘Pinas at Tate, tuloy kay Pres. Biden, sana!

@Editorial | November 9, 2020
Humarap na sa mamamayan si U.S. President-elect Joe Biden, matapos masungkit ang landslide victory nito laban kay incumbent Pres. Donald Trump.
Sa kanyang acceptance speech, sinabi ni Biden na kanyang pagsusumikapang pagbuklurin muli ang kanilang bansa sa kabila ng pagtanggi ni Trump na tanggapin ang kanyang pagkatalo.
Una rito, nakakuha si Biden ng 280 electoral votes makaraang pumasok ang mga boto mula sa Pennsylvania na sobra-sobra pa sa kinakailangang 270 electoral votes kontra kay Trump na nakakuha lamang ng 214 electoral votes.
Kaugnay nito, nagpaabot naman ng pagbati si Pangulong Rodrigo Duterte kay Biden. Hangad umano ng Palasyo na makatrabaho ang administrasyon ni Biden.
Samantala, umaasa naman tayo na walang magiging malaking pagbabago sa diplomatic relations ng Pilipinas at Amerika ngayong may bago na silang pangulo.
Bagama’t, marami ring kinahaharap na problema ang Amerika na kailangan nitong unahin, umaasa ang ating gobyerno na mananatili naman ang maayos ang pagtrato sa ating mga kababayan na naninirahan at nagtatrabaho sa Tate.
Higit sa lahat, sana’y ‘di mawala ang respeto sa mga polisiya na ipinatutupad ng bawat bansa.



Comments