Maganda at maayos na lagda, kailangan ng bebot na feeling malas sa career at love life
- BULGAR

- Nov 20, 2020
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 20, 2020
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung kailan ako magkaka-boyfriend. Malungkot ang buhay ko ngayon dahil bukod sa wala akong nagiging boyfriend, wala rin akong regular na trabaho. Nais kong malaman kung kailan ako susuwertehin sa buhay, lalo na sa career at love life? Sana ay mapayuhan n’yo rin ako para magkaroon ng direksiyon at kaligayahan ang buhay ko. April 29, 1990 ang birthday ko.
Umaasa,
Sheila ng San Isidro, Mariveles, Bataan
Dear Sheila,
Ang birth date mong 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) sa destiny number na 7 (4+29+1990=2023/ 20+23=43/ 4+3=7) ay nagsasabing ikaw ay napabibilang sa mga tinatawag na weak number o weak personality.
Nangyaring weak number ang iyong personality at maaaring pati na rin ang iyong kapalaran, dahil ang iyong birth date na 2 at destiny number na 7 ay kapwa weak number o mahinang numero. Ito rin ay tanda o dahilan kaya hindi ka gaanong sinusuwerte ngayon sa career at pag-ibig dahil mahina rin ang iyong personalidad. At dahil nagkataong kapwa weak ang birth date na 2 at destiny number mong 7, ang pinakamagandang solusyon upang magsimula nang dumating ang suwerte at magandang kapalaran sa iyong buhay ay ang makipag-kaibigan ka sa mga taong may strong number.
Sinu-sino naman ang mga taong dapat mong laging makasama at maging kaibigan upang maambunan ka ng lakas ng loob, kakaibang suwerte at magandang kapalaran? Ang mga taong may strong number na magbibigay sa iyo ng magandang kapalaran ay silang mga isinilang o may destiny number na, 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17, 26, 6, 15 at 24, higit lalo kung ang zodiac sign niya ay Virgo, Libra, Capricorn, Scorpio at kapwa mo Taurus.
Kapag naging bestfriend o kaibigan mo ang mga taong nabanggit, sila ang nakatakdang magpapabago ng iyong buhay patungo sa maaliwalas at magandang kapalaran.
Bukod sa nasabing mga numero o birth date, puwede mo ring samahan at maging kaibigan silang may birth date o destiny number na 7, 16 at 25 dahil magdadala rin sila sa iyo ng suwerte at magandang kapalaran.
Pangalawa, lagi kang magsuot ng mapalad mong kulay na berde, dilaw, pula at itim. Kapag lagi mong isinuot ang nasabing mga kulay, magsisimula kang suwertehin, hindi lamang sa career kundi pati na rin sa aspeto ng pag-ibig at pakikipagrelasyon.
Mapalad ka naman tuwing sasapit ang mga araw ng Lunes, Huwebes at Biyernes, higit lalo sa petsang 9, 18, 27, 6, 15, 24, 1, 10, 19, 28, 7, 16 at 25. Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran sa buwan ng April hanggang Mayo, Setyembre hanggang Nobyembre at Disyembre hanggang Enero.
Pangatlo, dapat mo ring pagandahin at ayusin ang iyong lagda nang sa gayun ay tumatag at tumibay ang laman ng iyong panloob at panlabas na kaisipan. Kapag nangyari ito, mas madali mong maaakit ang suwerte at magagandang kapalaran.
At upang mapaganda at maayos mo ang iyong lagda, sa halip na ibalikwan pakaliwa ang dulong bahagi ng letrang “n”, mas mainam na pasibatin mo ang dulong-guhit na nalilikha ng pinakapaa ng letrang “n” patungo sa direksiyong kanan.
Sa ganyang bago at mas magandang lagda, wala nang bumabalik na guhit patungong kaliwa, sa halip, puro patungong kanan na ang stroke, gaganda na ang laman ng panloob at panlabas mong kaisipan, hanggang sa tuluy-tuloy na ring gumanda at maayos ang dating ng suwerte at magagandang kapalaran sa iyong karanasan.
At sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyong nabanggit, tiyak ang magaganap. Ayon sa Decadens ng Kapalaran, sa 2021, sa edad mong 31pataas, sa buwan ng Setyembbre hanggang Nobyembre, magkakaron ka ng regular na trabaho. Kasabay nito, kusa na ring darating sa buhay mo ang mabait at tapat na boyfriend na isinilang sa buwan ng Agosto o Setyembre, na sa dakong huli ay makakasama mo na rin sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments