top of page

Mag-live-in partner na ‘di compatible sa zodiac sign pero swak ang birthday kaya magkakatuluyan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 29, 2020
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 29, 2020



Dear Maestro,


May ka-live-in ako at ito ang concern ko kaya ako sumangguni sa inyo. March 15, 1991 ang birthday ko at May 8, 1986 naman ang birthday ng live-in partner ko na kasamahan ko sa trabaho. Siya na ba ang mapapangasawa ko at kung may pamilya na kami, susuwertehin kaya ito?


Umaasa,

Alyana ng Sulib, Pangil, Laguna


Dear Alyana,


Bagama’t hindi masyadong compatible ang zodiac sign mong Pisces sa zodiac sign na Taurus ng boyfriend mo, puwede nang pagtiyagaan ang kumbinasyong ito dahil ang Pisces ay nagtataglay ng elementong water o tubig, habang ang Taurus ay nagtataglay naman ng elementong earth o lupa.


Sa basic Astrology, tugma ang pagsasama ng water at earth, sapagkat tulad ng madalas nating ipaliwanag, kapag ang lupa ay tigang at hindi nadidiligan, ito ay hindi tutubuan ng anumang uri ng damo o halaman, subalit sa sandaling ang tigang na lupa ay napatakan ng masaganang tubig, magsisimula na itong tubuan ng mga pananim at halaman. Ito ay patunay at nangangahulugan lamang na ang pagsasama ng lupa at tubig ay sadyang magiging masagana at maligaya.


Pero kung purong Astrolohiya at sa totoo lang, ang tunay na ka-compatible ng Pisces na may elementong tubig ay Virgo na nagtataglay din ng elementong lupa o earth tulad ng Taurus. Samantala, ang tunay na ka-compatible naman ng Taurus sa Oriental Astrology ay Scorpio, na nagtataglay din ng elementong tubig.


Gayunman, ang birth date mong 15 o 6 (1+5=6) ay sadya namang compatible sa birth date na 8 ng boyfriend mo kung saan sa aktuwal na pangyayari, maraming isinilang sa petsang 6, 15 at 24 ay nakatuluyan silang mga isinilang sa petsang 8, 17 at 26. Dagdag pa rito, sa usapang Numerology, ang destiny number mong 2 (3+15+1991=2009/ 20+09=29/ 2+9=11/ 1+1=2) habang 1 naman ang destiny number ng boyfriend mo (5+8+1986=1999/ 19+99=118/ 11+8=19/ 1+9=10/ 1+0=1) ay compatible sa isa’t isa.


Pansining ang numerong 2 ay nagtataglay ng planetang Moon, habang ang numerong 1 ay nagtataglay ng buntalang Sun. Kapag kayo ay nagsama at patuloy na nagmahalan, parang maghapon at magdamag ang inyong relasyon. Palagi na itong “maliwanag” dahil sa gabi, ang Moon o Buwan ang inyong tanglaw, habang sa araw, Sun ang magsisilbing liwanag ng inyong walang maliw na pag-iibigan at pagmamahalan.


Ibig sabihin, Alyana, malinaw na kung ganu’n, ang inyong mga numero at zodiac sign ang nagsasabing kayo na ang magkakatuluyan ng kasalukuyang live-in partner mo. At ayon sa Decadens ng Kapalaran, ang pormal na pag-aasawa at pagtatayo ng masaya at maunlad na pamilya ay inaasahang mangyayari sa 2022, sa buwan ng Nobyembre o Disyembre sa edad mong 31 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page