Mag-ex na Cancer at Scorpio, magkakabalikan dahil compatible

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 23, 2021
Dear Maestro,
Naghiwalay na kami ng boyfriend ko at halos isang buwan na ang nakakaraan, kaya malungkot ako ngayon dahil mahal na mahal ko pa rin siya. Hanggang ngayon ay hindi pa siya nagte-text o tumatawag, at kapag tinitingnan ko naman ang status niya sa Facebook, parang wala lang sa kanya at bihira siyang mag-FB.
Gusto kong malaman kung babalikan pa ba niya ako? Mahirap din pala ‘yung nasanay ka na sa isang tao na palagi mong kasama at bigla na lang nawala. Sa ngayon, palagi ko pa rin siyang iniisip at minsan ay naiiyak ako, pero hindi ko na lang ipinahahalata sa amin na may problema ako sa love life. Magkakabalikan pa ba kami? Iniisip ko tuloy na baka may iba na siyang nililigawan? July 18, 1995 ang birthday ko at November 3, 1994 naman ang birthday ng boyfriend ko.
Umaasa,
Ms. Cancer ng San Juan, Samal, Bataan
Dear Ms. Cancer,
Nagkataong compatible naman ang zodiac sign mong Cancer at Scorpio naman ang ex-boyfriend mo kung saan ang nasabing mga zodiac signs ay kapwa pinaghaharian ng elementong tubig o water, kaya walang duda na compatible naman kayo ng ex-boyfriend mo.
Bukod sa compatible kayo ayon sa Western Astrology, tunay ngang compatible rin ang birth date mong 18 o 9 (ang 18 ay 1+8=9) at birth date ng boyfriend mo na 3, na lalong nagpatibay ng pag-aanalisang sa malapit na hinaharap, maaari ngang magkabalikan kayo. Ito ay dahil ang birth date na 9 at 3 ay sadyang tugma at suwetong-suweto sa isa’t isa.
Ibig sabihin, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa na hindi na siya makikipagbalikan sa iyo o iniisip mong baka may iba na siyang nililigawan, sa halip, ang mas malamang na mangyari sa kasalukuyan ay posibleng nagninilay-nilay lang siya sa sitwasyong naganap sa inyong relasyon.
Habang, ayon iyong Love Calendar, tiyak ang magaganap, maaaring sa susunod na buwan ng Marso o Abril, babalik na ang boyfriend mo at muli n’yong buuin at lalo pang painitin ang nanlamig n’yong pagmamahalan.




Comments