top of page

Mag-asawang susuwertehin sa pag-a-abroad

  • BULGAR
  • Sep 15, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 15, 2022



KATANUNGAN

  1. Wala na kaming maisip na paraan ng mister ko para makaahon sa kahirapan, makabayad sa mga utang at mapagkasya ang kanyang kinikita kundi ang mag-abroad. Kaya napagkasunduan namin na sabay kaming mag-apply. Actually, nakapag-apply na ako bilang DH sa Hong Kong at ang mister ko naman ay nag-a-apply bilang lineman sa UAE.

  2. May usapan kami na kung sino ang unang makakaalis ay siya na lang ang mag-a-abroad, habang ‘yung maiiwan ang mag-aalaga sa tatlo naming anak. Nais kong malaman kung sino sa aming mag-asawa ang unang makakaalis at makakapag-abroad?

KASAGUTAN

  1. Mabuti na pareho n’yong inilakip ang photocopy ng inyong kaliwa at kanang palad. Ang nakakatuwa, kapwa may malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) ang kaliwa at kanan n’yong palad, na indikasyon na kapwa kayo makapangingibang-bansa sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran.

  2. Ang pag-aanalisang kapwa magiging maganda ang kapalaran n’yo sa abroad ay madali namang kinumpirma ng maayos n’yong mga lagda. Ang problema lang sa lagda mo ay ang maikling krokes ng letrang “t” sa iyong aplido. Habaan mo ang nasabing krokes sa itaas na bahagi ng letrang “t”, nang sa gayun ay humaba rin ang iyong mga accomplishment at achievement sa buhay.

  3. Habang masyado namang maliit ang lagda ng iyong mister, kung saan kailangang medyo palakihin niya ang mga letra at salita rito upang lumaki rin ang kanyang mga pangarap at ambisyon sa buhay.

  4. Sa bahagyang pagbabago o inobasyon ng inyong mga lagda, tuloy-tuloy na kayong mananaig at magtatagumpay sa plano n’yong pangingibang-bansa, hanggang sa unti-unti na ring makaahon sa mga pagkakautang at umunlad nang lubusan ang inyong kabuhayan.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ayon sa inyong mga datos, Doreen, hindi na mapipigilan ang nakatakda sa susunod na taong 2023, sa buwan ng Enero at posible ring ngayong Disyembre pa lang ay matawagan na ang iyong mister, at pagkalipas ang isa o dalawang buwan, ikaw naman ang matatawagan ng iyong ina-apply-an.

  2. Sa pangyayaring kapwa kayo nakapangibang-bansa sa mapalad n’yong taon na 2023, maiiwan naman sa iyong mga magulang ang inyong mga anak, habang kayong mag-asawa ay nasa ibang bansa. Kaunting panahon lang naman ang titiisin ng inyong pamilya dahil pagkatapos ng lima hanggang anim na taon, kusa nang uunlad at magiging masagana ang inyong buhay, hanggang sa magpasya kang tumigil sa pag-a-abroad, habang si mister naman ang patuloy sa pangingibang-bansa. Sa ganitong paraan, ang dati nang maunlad na buhay ay lalo pang uunlad, yayaman at lubusan nang magiging maginhawa at masagana.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page