top of page

Madir na OFW, problemado sa anak na lumaking suwail at bastos

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 20, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 20, 2023


Dear Sister Isabel,


Sobrang lungkot ko ngayon. Bumalik kasi ang dating pag-uugali ng nag-iisa kong anak. Lumaki siyang walang respeto sa akin. Hindi ako ang nagpalaki sa kanya, kundi ang nakababata kong kapatid. Maaga akong nabiyuda kaya naisipan kong mag-abroad upang maibigay sa kanya ang magandang kinabukasan at makapagtapos na may mataas na pinag-aralan. Bago ako umalis para mangibang-bansa, in-enroll ko muna siya sa paaralan ng mga madre para kahit hindi ko siya maturuan ng magandang asal, at least mapapalapit siya sa Panginoon. Ngunit, hindi iyon ang nangyari. Nang makabalik ako from abroad, wala na siya nikatiting na respeto sa akin. Gayunman, tiniis at sinikap kong gawin ang lahat para gumaan muli ang loob niya sa akin, at tratuhin niya akong ina. Sa awa ng Diyos, nagbago rin siya. Naramdaman ko na ang pagrespeto at pagmamahal na hinahanap ko sa isang anak. Subalit, hindi rin nagtagal dahil bumalik na naman ang nakalakihan niyang ugali at lumala pa kaysa dati.


Sinisigawan at sinasabihan niya na akong buwisit. Pinagpasensyahan ko siya dahil baka kako nakatikim na siya ng ipinagbabawal na gamot. 


Muli, napakasakit sa akin bilang ina. Napakahirap pala maging ina lalo na kung magkakaroon ka ng anak na suwail at walang respeto. 


Ano ang gagawin ko, Sister Isabel? Hindi ko na talaga kayang dibdibin ang ginagawa sa akin ng anak ko. Lalaki siya, at 18-anyos na rin. 

 

Nagpapasalamat,

Dorothy ng Aklan

Sa iyo, Dorothy,


Nakikisimpatya ako sa nararamdaman mo sa anak mong lumaking walang respeto.


Ganyan talaga ang nagiging ugali ng mga anak na iniwan sa pangangalaga ng ibang tao.


Pero, hindi kita masisisi kung iniwan mo siya upang magtrabaho sa abroad dahil para rin naman sa kabutihan niya ang ginawa mo. 


Ang pinakamaganda mong gawin ay iparamdam sa kanya na may ina pang nagmamamahal at nagmamalasakit sa kanya. Dalasan n’yo ang inyong bonding moment. At kung nasa mood siya, yayain mo rin siyang magsimba. Mamasyal kayo sa mga spiritual place. Kung maaari, sumali rin kayo sa samahan sa simbahan na alam mong mapupunta siya sa magandang ugali. Tiyaga lang, natitiyak kong hindi likas sa kanya ang pagiging salbahe. Hindi pa huli ang lahat. Humingi ka ng advice sa isang dalubhasang psychologist upang ma-guide upang maiwasto mo ang ugali ng iyong anak. Magdasal ka rin ng taimtim. Kung maaari, mag-novena ka. Hilingin mo sa Diyos na hipuin ang anak mo upang isang araw, malaking pagbabago na ang maganap. 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page