Lumalalang problema sa basura, ‘wag dedmahin
@Editorial | September 18, 2021
Ngayong araw nakatakdang isagawa ang pagdiriwang ng worldwide International Coastal Cleanup (ICC) na gagawin sa pamamagitan ng ‘cleanup bubble’.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa kabila ng mga restrictions at hamon kaugnay ng COVID-19 pandemic, tuloy umano ang nasabing aktibidad upang maihatid pa rin sa taumbayan ang impormasyon at babala na may kinalaman sa pagdami ng basura sa mga coastal areas.
Sa ilalim ng cleanup bubble, may grupo na itatalaga para linisin ang bisinidad sa Manila Bay. Dahil nasa general community quarantine (GCQ) Alert Level 4 ang Metro Manila, ang mga makikilahok ay lilimitahan lamang sa mga kawani ng DENR bunsod ng mga restriksiyon.
Habang may grupo naman na aatasang linisin ang kanilang mga bahay at kapaligiran.
Gagamitin din umano ang social media para mas maibahagi sa publiko ang layunin ng cleanup drive.
Kaugnay nito, inaasahang may mga facemask na gamit na makukuha na naman sa gagawing paglilinis.
Palaging paalala sa mga gumagamit ng disposable face mask na itapon ito nang maayos at huwag hayaang makadagdag sa problema sa basura. Gayunman, marami pa rin ang pabaya at walang pakialam. Kung hindi kayang maging responsable sa paggamit ng ganitong uri ng face mask, ‘yung nalalabhan na lang ang gamitin.
Ang hindi wastong pagtatapon ng facemask at iba pang PPE ay hindi lang ito dagdag-basura, panganib pa sa kalusugan at maging sa kapaligiran.



Comments