top of page
Pokwang.jpg

Lucky number at date, mas malinaw na lagda...

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 5, 2021
2 min read

Updated: Jan 9, 2021

Kailangan ng bebot na ayaw tumandang dalaga at pangarap mag-abroad

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 5, 2021



Dear Maestro,


Sa edad kong 39, nakakahiya mang aminin, pero hanggang ngayon ay dalaga pa rin ako. Nagkaroon ako ng mga boyfriend noon, pero hindi ko rin nakatuluyan. Gusto kong malaman kung makapag-aasawa at anak pa ba ako? Kung makapag-aasawa pa ako, anong taon ito? Gayundin, makapag-a-abroad ba ako dahil ngayong 2021, kapag wala nang COVID-19, balak kong mag-abroad. Sa kabila ng mga nangyayari sa akin, makakaahon pa ba ako sa mga problema? Marami akong mga problema sa ngayon, ano ang maipapayo n’yo sa akin upang ako ay suwertehin, lalo na sa career at habambuhay na lumigaya sa larangan ng pag-ibig? March 4, 1981 ang birthday ko.


Umaasa,

Mary Anne ng Luna, San Antonio, Zambales

Dear Mary Anne,


Tunay ngang kapag medyo pangit ang lagda, lalo na sa unahang bahagi, sadyang magiging pangit at malungkot din ang tatahaking kapalaran ng isang indbidwal. Kaya kung gusto mong lumigaya, wala kang dapat gawin kundi baguhin ang unahang bahagi ng iyong pirma o lagda.


Kung mapapansin mo, ang letrang “M” at “A” ay pinagpatong mo sa unahan at tila nakabuo ka ng isang malaking hugis bilog. Ang hugis bilog ay naglalarawan ng magulo at matinding alalahanin sa iyong isipan, kaya hindi ka nagtatagumpay at lumiligaya sa kasalukuyan.


Ano ngayon ang dapat mong gawin sa iyong lagda? Simple lang, mas mainam na paghiwa-hiwalayin mo ang letrang “M” at “A” sa iyong lagda kung saan dapat mong isulat mo nang malinaw ang letrang “M”, “A” at malinaw na idugtong mo ang iyong apilido ng hindi nagkakapatong-patong ang mga letra at salita. Mas mainam din kung tatapusin mo ang iyong lagda sa isang mala-straight na guhit.


Partikular upang makalikha ka ng straight line, habaan mo ang pinaka-paa ng letrang “a” sa dulong bahagi ng iyong pirma upang humaba at magtuluy-tuloy na rin ang dating ng suwerte at magandang kapalaran.


Pagkatapos nito, gumamit ka ng pinakamasuwerteng kulay na kailangan mong isuot tulad ng berde, kung ang petsa sa kalendaryo ay 2, 11, 29, 7, 16 at 25, lalo na kung natapat ang nasabing mga petsang ‘yan sa araw ng Lunes.


Dilaw naman tuwing sasapit ang petsang 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19 at 28, lalo na kung natapat ang mga petsang nabanggit sa araw ng Linggo at Sabado, habang pula naman ang mapalad na kulay tuwing sasapit ang petsang 6, 15, 24, 3, 12, 21, 30, 9, 18 at 27, partikular kung ang mga petsang ‘yan ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


At ang isa pang mahalaga mong dapat gawin ay makipagkaibigan sa mga taong isinilang sa zodiac sign na Virgo, Sagittarius, Cancer at Scorpio, higit lalo silang may birth date na 1, 10, 19, 28, 8, 17, 26, 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 1, 10, 19 at 28, sapagkat ang mga taong nabanggit ang magbibigay sa iyo ng suwerte at magagandang kapalaran.


Sa sandaling nasunod mo ang tatlong simpleng rekomendasyong inilhaad sa itaas, ayon sa iyong Love Calendar, sa kumbinasyon ng Decadens ng Kapalaran, tiyak ang magaganap ngayong 2021, sa buwan ng Mayo hanggang Agosto, sa edad mong 40 pataas, kusang gaganda ang iyong kapalaran, makapag-a-abroad ka, makapag-aasawa, hanggang sa tuluy-tuloy ka na ring makabuo ng maunlad at maligayang pamilya habambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page