top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

LRT-1 Cavite ext., aarangkada bago mag-Pasko para sa 50K pasahero

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 27, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 27, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Ilang araw na lamang at magwawakas na ang buwan ng Hunyo at kasunod ay Hulyo, pagkatapos ay Agosto, na nagbibigay pahiwatig na papalapit na ang ber months kung saan makaririnig na tayo ng mga Christmas song.


At isa sa pinakamagandang regalo ng pamahalaan sa publiko bago mag-Pasko ay ang pagbubukas ng unang phase ng LRT-1 Cavite Extension, ayon mismo sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr).


Ang unang phase ay kokonekta mula Baclaran Station sa Pasay City patungong Dr. Santos Station sa Paranaque City na kamakailan lamang ay ininspeksyon ng mga opisyal ng Light Rail Manila Corp. (LRMC).


Inaasahang makapagbibigay serbisyo ang dugtungang ito ng LRT sa mahigit 50,000 pasahero bago mag-Pasko.


Kung 50K pasahero ang mabibigyan ng serbisyo ng LRT-1, mababawasan ‘yung mga gagamit ng pribadong sasakyan at iba pang klase ng utility vehicles na malaking solusyon sa napakatagal na problema ng trapiko sa nabanggit na mga lugar.


Malaking bagay din ito para mapadali ang pagtungo sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa mabilis na ang biyahe dulot ng paglalagay ng mga train station sa lugar.


Sa ngayon kasi ay batid naman nating napakahirap bumiyahe patungong PITX — lalo na sa mga uuwi at galing ng probinsya dahil kailangan pang sumakay ng bus o taxi o UV express. Pero, dahil sa pagbubukas ng unang phase ng LRT-1 ay magiging mabilis na ang lahat pati na sa pagtungo sa airport.


Imagine, sa halagang P25 lamang na pamasahe mula Baclaran station patungong Dr. Santos station ay makakarating na sa biyahe, kumpara ngayon na napakalaki ng gastos papunta sa mga lugar na nabanggit.


Ang maganda pa, ang Dr. Santos station sa Paranaque City ay magkakaroon ng intermodal transport facility upang mas mapadali para sa mga pasahero na makakuha ng iba pang masasakyan patungo at paalis ng istasyon.


Ibig sabihin magkakaroon ng mga jeepney at UV Express habang pinag-aaralan na rin kung pati ang biyahe ng bus ay maglalagay tulad ng ginawa sa PITX sa Paranaque City.


Sa kasalukuyan ay isinasaayos na lamang ang ilang problema sa right-of-way para sa pagsisimula ng konstruksyon ng Phase 2 at Phase 3 ng LRT-1 Cavite Extension. 


Umuusad naman ang naturang proyekto na ayon din sa itinakdang oras kaya inaasahang bago sumapit ng taong 2031 ay aabot na ito ng Bacoor City.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page